Tanging nasa armadong rebolusyon ang pag-asa ng mamamayan para sa tunay na pagbabago!
Sa paglabas ng resulta ng Halalan 2025, tumatambad ang kabulukan ng sistemang pampulitika sa Pilipinas at lahat ng “demokratikong” palamuti nito, laluna ang huwad na prosesong elektoral. Naiulat sa maraming lugar sa bansa ang maraming anomalya sa mismong araw ng halalan kabilang ang pamimili ng boto, red tagging, presensya ng mga pulis sa mga presinto o kalapit nito sa kabila na ito’y mahigpit na ipinagbabawal ng COMELEC, at pagpalya ng madaming automated counting machines o ACM. Batay sa datos ng mga grupong Vote Report PH at Kontra Daya, noon mismong Mayo 12, higit 42% ng mga naiulat na insidente ay mga hindi maayos na paggana ng mga ACM sa kabila ng napakalaking badyet na inilaan dito ng COMELEC. Kabi kabila din ang reklamo ng mga bumoto kaugnay sa “over voting” gayong sigurado silang tamang bilang ang kanilang inilagay. May daan-daang kaso ng mga balota na ilang beses di tinanggap ng mga ACM at mga resibo kung saan ibang pangalan ang lumalabas na binoto.
Ngunit lunduan na lamang ng anomalya sa Halalan 2025 ang araw ng botohan. Mula sa pagbili ng COMELEC ng mga ACM sa mga di mapagkakatiwalaang kumpanya, pag-file at pag-apruba ng mga certificate of candidacy ng mga kwestiyonableng kandidato, higit sa isang libong naitalang kaso ng paglabag sa mga alituntunin sa pangangampanya pangunahin ang redtagging, pagpapakalat ng disimpormasyon at iligal na pangangampanya hanggang sa mga aberya sa mismong araw ng botohan–ang buong prosesong elektoral ay malinaw na nilaro ng imperyalismong US at ng mga naghaharing uri, laluna ng pangunahing nagbabangayang pangkatin ng mga Marcos at ng mga Duterte, upang nakamit ang pinakamalaking ganansya sa harap ng umiigting na panlipunang krisis sa bansa.
Sa isang banda, itinulak ng US at ng papet na rehimen ni Ferdinand Marcos Jr. na lutuin ang resulta ng eleksyon upang iluklok ang mga pinapaborang kandidato na magpapatatag sa paghahari ng kanyang angkan. Sa kabila naman, ginamit ng mga Duterte ang eleksyon para maipuslit sa Senado at Kongreso ang mga alyado nito na maaring humadlang sa impeachment ni Sara Duterte na diringgin sa Kongreso sa Hulyo. Sa parehong kaso, tanging ang pinakasagad-saring mga bahagi ng mapagsamantala at mapang-aping naghaharing uri ang nakikinabang. Bagamat nag-aagawan ang iba’t ibang paksyon ng naghaharing uri para sa kapangyarihan, nagkakaisa naman sila sa tunguhing tanggalan ng espasyo sa parlamentaryo ang tunay na maka-masang pulitika na kinakatawan ng mga progresibong kandidato at partylist na walang awat na inatake ng estado sa iba’t ibang paraan sa buong panahon ng eleksyon.
Sa Mindoro, liban sa mga kaso ng pandaraya at anomalya sa eleksyon, sinamantala ng 203rd Infantry Brigade ang “pagtitiyak ng seguridad sa panahon ng eleksyon” upang magkasa ng malawak at masinsing focused military operation (FMO) na sumasaklaw sa di bababa sa limang bayan sa parehong Occidental at Oriental Mindoro. Libo-libong mga tropa ng 203rd Brigade ang aktibong nanghahalihaw hanggang ngayon sa mga sakahan, kaingin at pamayanan ng mga magsasakang Mindoreño at katutubong Mangyan. Muling nagwaldas ng milyon milyong pondo ang 203rd Bde para perwisyuhin ang mamamayan. Napakalaking kalokohan na sabihing “gumagana” ang demokrasya at mga demokratikong proseso sa bansa gayong araw-araw na reyalidad para sa mga mamamayan, laluna sa kanayunan, ang di deklaradong batas militar na sumisikil sa kanilang mga karapatan at kalayaan.
Pinakikitid ng rehimeng US-Marcos II ang espasyo para sa demokratikong paglahok ng mamamayan sa pulitika. Ito ang sadyang patutunguhan ng walang hanggang paghahangad ng mga Marcos para sa yaman at kapangyarihan. Habang niyuyugyog ng papalalang panlipunang krisis ang bansa, asahan na mas magiging mabangis ang ribalan ng mga Marcos at Duterte para sa kapangyarihan. Higit sa lahat, asahang paiigtingin ni Marcos Jr. ang terorismo ng estado upang durugin ang anumang pakikibaka ng mamamayan para sa kanilang karapatan at kabuhayan at laban sa mga kontra-mamamayang batas at patakaran ng rehimen.
Ang nagpupuyos na damdamin ng mamamayan laban sa dayaan sa eleksyon ay kinakailangang maisalin sa paniningil kay Marcos Jr. sa lansakang panyuyurak niya sa demokratikong karapatan ng mga mamamayan sa malinis at patas na eleksyon na una ng ginawa ng kanyang kampo noong eleksyon 2022 at muling inulit nitong Mayo 12. Dapat ipanawagan ang pag-imbestiga sa mga ACM at ang diumano’y pagpalya ng mga ito noong araw ng botohan. Maari ring igiit ang muling pagbibilang ng boto sa paraang mababantayan at mauusisa ng mamamayan. Habang iginigiit ang mga ligal na hakbanging nasa balangkas ng reaksyunaryong konstitusyon upang labanan ang malawakan at sistematikong dayaan sa eleksyon, dapat buuin at pakilusin ang pinakamalapad na hanay ng mga demokratikong uri at sektor na lalaban sa nabubulok na sistemang pulitika lagpas sa mga limitasyon ng parlamentaryo.
Sa ngayon, hindi man sinasadya, ang rehimen ni Marcos Jr., ang mga Duterte at iba pang burukrata kapitalistang nakinabang sa batbat-ng-anomalya na eleksyon ang pinakamahusay na propagandista para sa demokratikong rebolusyong bayan. Pinatutunayan nilang hindi maaaring iasa ng mamamayan sa pagpapalit-palit ng mga nakaupong pulitiko ang hinahangad na tunay na pagbabago sa nabubulok na lipunang Pilipino.
Ang hinog na sitwasyong pampulitika at krisis sa ekonomya ay naglalatag ng napakainam na mga kundisyon upang malawakang mag-propaganda hinggil sa demokratikong rebolusyong bayan. Dapat umalingawngaw ang katotohanang tanging ang rebolusyong ito ang lulutas sa kahirapan ng mamamayan at kawalan ng tunay na demokrasya at kalayaan sa Pilipinas. Habang puspusang inilalantad ang huwad na eleksyon, dapat nating bigyang diin at pansin ang pagtatayo, pagpapalawak at pagpapalakas ng mga rebolusyonaryong organisasyon na nagpapakilos sa masa para sa paglahok sa demokratikong rebolusyong bayan at pag-suporta sa pinakaepektipong porma nito–ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka nang sa gayo’y makamit ang isang lipunang tunay na malaya at demokratiko.
Mamamayang Mindoreño, ilantad ang malawakang dayaan sa Halalan 2025!
Labanan ang tiraniya ng rehimeng US-Marcos II!
Makibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!