Internasyunal na mga balita

Mga opensiba ng CPI-Maoist
Labing-anim na armas, mga ammo vest, magasin, bala, at radyong pangkomunikasyon ang nasamsam ng mga Pulang mandirigma ng Communist Party of India (CPI)-Maoist sa matagumpay na ambus sa Minpa, Sukma District ng Chattisgarh noong Marso 21. Labimpitong jawan (pulis) ang namatay at 15 naman ang sugatan.
Dalawang pulis naman ang namatay at tatlo ang sugatan sa ambus ng mga pulang mandirigma sa Gadchiroli District, India noong Mayo 17.
Ang mga aksyong militar ng CPI-Maoist ay inilunsad bilang parusa sa mga pulis na nagpapalayas sa mga komunidad para sa pagpasok ng mapangwasak na mina.
Palayain si Huzaifa Halabiya Bader!
Nagpahayag ng pakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas sa panawagan ng mamamayang Palestinian ng pagpapalaya kay Huzaifa Halabiya Bader na arbitraryong inaresto ng gubyernong Israel noong Mayo 25. Si Baser, na una nang inaresto noong June 2018 at nakalaya noong Disyembre 2019, ay muling idinetine nang walang kaso at paglilitis.
Kabilang si Bader sa aabot sa 5,000 Palestinian na bilanggong pulitikal na inaresto at idinedetine ngayon ng gubyerno ng Israel. Tinatayang 500 sa kanila ay nasa ilalim ng “administratibong detensyon,” na pinabangong tawag ng Israel sa detensyon ng mga Palestinian na dinakip nang walang kaso at paglilitis.
Ang madugong rekord ng Elbit Systems
Pangunahing nakikinabang sa madugong pagkubkob at pagsakop ng Israel sa Palestine ang Elbit Systems, ang pinakamalaking kumpanyang Israeli na nagmamanupaktura ng kagamitang pandigma. Nagkakamal ito ng napakalaking tubo sa pamamagitan ng pagsusuplay ng armas sa mga pwersang militar ng Israel sa madugong pagsupil sa mamamayang Palestinian.
Kabilang sa minamanupaktura nito ang Hermes 450 drone na may kapasidad na magdala at magpabugso ng mga misayl na Hellfire. Kabilang ito sa mga pangunahing armas na ginamit ng Israel sa pagkubkob sa Gaza Strip noong 2014. Umabot sa 2,314 sibilyan ang namatay at 17,125 ang nasugatan sa nasabing pangungubkob. Kabilang sa napaslang ang 164 bata.
Umabot na sa 28 ang mga gubyernong gumagamit sa mga drone ng Elbit. Kabilang dito ang Pilipinas na bumili ng 12 drone (tatlong Hermes 450 at siyam na Hermes 900) noong 2017 sa ilalim ng AFP Modernization Program. Nagkakahalaga ang mga drone ng P8 bilyon sa kabuuan. Dalawang Hermes 450 na ang naipadala ng kumpanya sa Pilipinas noong nakaraang taon.