Tsekpoynt ng abusadong pulis, pinasabugan ng BHB-Bukidnon

,

Pinasabugan ng granada ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Bukidnon ang mga elemento ng First Bukidnon Police Mobile Force Company na nagbabantay ng tsekpoynt sa Barangay Cabulohan, Cabanglasan noong Hunyo 1. Dalawang pulis ang nasugatan sa opensiba.

Kinabukasan, pinasabugan ng isa pang yunit ng BHB ang rumespondeng mga pulis sa insidente.

Katuwang ng mga sundalo ang mga pulis sa pagkukurdon at panggigipit sa mga magsasaka at Lumad sa mga barangay ng Cabanglasan. Sila ang nagbabantay sa mga tsekpoynt na humaharang sa bumibyaheng mga residente palabas at papasok ng mga barangay para bumili ng pagkain at magbenta ng mga produktong agrikultural. Kinukumpiska nila ang ilang bilihin na diumano’y suplay ito ng BHB. Nagdulot ang tsekpoynt na ito ng hirap at takot sa mga residente.

Sa Malaybalay City, inambus ng isang yunit ng BHB-Bukidnon ang nag-ooperasyong mga sundalo ng 8th IB sa Sityo Bendum, Barangay Busdi, Malaybalay City noong Mayo 19. Dalawang sundalo ang napatay at tatlo ang nasugatan.

Sa Palawan, pinaputukan din ng isang yunit ng Bienvenido Vallever Command ang detatsment ng 18th Special Forces Company sa Mantayog Falls sa Barangay Bunog, Rizal noong huling linggo ng Mayo.

Responsable ang yunit militar sa panggigipit at paghamlet sa halos 100 pamilya ng katutubong Palaw’an sa tabing ng pagtugon sa Covid-19. Mahigpit na kinokontrol ng militar ang kilos ng mga residente sa komunidad. Nangunguna rin ang mga sundalo sa mga anti-sosyal na aktibidad na umaabot maging sa kalapit na mga komunidad.

Tsekpoynt ng abusadong pulis, pinasabugan ng BHB-Bukidnon