Sampung hakbang kontra pinsala at pandemyang hatid ni Duterte sa mamamayan


Palpak ang tugon ng rehimeng Duterte sa pandemyang Covid-19. Lugmok sa gutom at kawalang trabaho ang mamamayan habang patuloy na nananalasa ang bayrus matapos ang halos tatlong buwang lockdown.
Winaldas nito ang mga sakripisyo ng mamamayan sa isa sa pinakamatagal na lockdown sa buong mundo. Hindi nito pinalakas ang sistema sa kalusugan. Walang isinagawang mass testing at contact tracing. Nanatili itong bulag sa lawak ng impeksyon. Ginamit lamang nito ang lockdown para ibulsa ang bilyun-bilyong pondo, gipitin ang mamamayan at iratsada ang neoliberal na mga patakaran at pasistang hakbang na hindi nito maipasa bago ang lockdown.
Dapat nang singilin ang rehimen sa kainutilan, korapsyon, militarismo at maling pagpaprayoridad nito sa gitna ng pandemya. Dapat magkaisa ang mamamayan para igiit ang kanilang mga demokratikong karapatan at interes.
1) Igiit ang libreng mass testing sa gubyerno sa halip na malawakang mga kwarantina. Malawakang magpakilos ng mga manggagawang pangkalusugan at boluntir para sa contact tracing.
2) Igiit ang kagyat na pondo para palakasin at itayo ang mga pampublikong ospital at mga pasilidad medikal, bigyan ng sapat na gamit-proteksyon ang mga manggagawang pangkalusugan at itaas ang kanilang sahod. Igiit ang libreng pagpapaospital sa mga pasyenteng may Covid-19 para maengganyo ang mga nahawa na magpatingin.
Igiit ang pagpopondo sa mga negosyong malawakang magpoprodyus ng mga testing equipment at mga gamit pangkaligtasan.
Dagdagan ang pondo ng mga siyentistang Pilipino para sa pagpapaunlad ng bakuna.
3) Igiit ang mabilis at kumpletong pagbibigay ng ayudang pagkain at pinansyal at pabalikin sa trabaho at hanapbuhay ang mamamayan para pigilan ang malawakang gutom. Igiit ang pansamantalang pagtigil ng pagbayad sa singil sa kuryente, tubig, upa at ibawal ang pagputol at pagpapalayas.
4) Igiit ang pagbibigay ng tumpak at nasa-panahon na datos at kritikal na impormasyon tungkol sa pandemya. Ilunsad ang malawakang kampanyang edukasyon sa mga komunidad para itaas ang syentipikong kaalaman ng mamamayan. Labanan ang panggigipit ng estado sa malayang pamamahayag na bumabara sa daloy ng impormasyon.
5) Igiit ang pagharap sa pinsalang idinulot ng lockdown sa bulnerableng mga sektor tulad ng matatanda, may mga kapansanan (kabilang ang kapansanan sa isip), manggagawang pangkalusugan, buntis at kababaihan sa pangkalahatan, gayundin ang mga bakwit na napalayas dulot ng militarisasyon at mga sakuna.
Igiit ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal at mga inaresto dahil sa umano’y paglabag sa lockdown.
6) Tanggalin ang anti-mamamayang mga restriksyon sa pagbyahe at trabaho. Tanggalin ang pahirap na mga tsekpoynt. Igiit ang kalayaan sa pagtitipon sa ligtas na paraan sa mga komunidad at pampublikong espasyo.
Igiit na gawing angkop, nakatarget at mabilisan ang pagpapataw ng mga kwarantinang pangkalusugan sa pinakamaliit na kayang saklaw. Isagawa ito sa demokratiko at katanggap-tanggap na paraan, at hikayatin ang aktibong partisipasyon ng mamamayan.
Tanggalin ang mga restriksyon sa kilos ng mga magsasaka. Igiit ang pag-atras ng mga yunit ng militar sa mga komunidad sa kanayunan na nagdadala hindi lamang ng takot, kundi pati ng bayrus.
7) Igiit na magkaroon ng ligtas na trabahuan ng mga manggagawa at empleyado at igiit na bigyan sila ng mga kumpanya ng gamit-pangkaligtasan at kalinisan, ipailalim sila sa regular na testing at bigyan ng karagdagang hazard pay.
Bigyan ng subsidyo ang mga dyip, traysikel, bus at iba pa para maisagawa ang pagbabago sa kanilang mga sasakyan at bigyan sila ng kumpensasyon.
8) Igiit na pondohan ang mga eskwelahan para ligtas na itong mabuksan. Dagdagan ang mga klasrum at eskwelahan at mga titser. Magkaroon ng mas maluluwag na espasyo para sa isports at paglalaro.
9) Pasikarin ang ekonomya sa pamamagitan ng pagbibigay ng subsidyo at tulong sa mga manggagawa, manggagawang bukid at mga pamilyang mababa ang kita para pasiglahin ang demand at lokal na produksyon.
Itaas ang sahod at itakda ang pambansang minimum. Ibasura ang Labor Advisory 17 na ipinatupad ng rehimen noong Mayo 16 at na nagpapahintulot sa mga kumpanya na bawasan ang sahod ng mga manggagawa sa ngalan ng pandemya. Bigyan ng suporta ang umuuwing mga OFW.
Igiit ang pansamantalang pagtigil sa paniningil ng upa sa lupa, at pagkansela sa utang ng mga magsasaka. Bigyan ng subsidyo ang maliliit na magsasaka para sa produksyon ng pagkain. Libreng ipamahagi ang lupa sa mga nagbubungkal.
10) Suportahan ang maliliit na negosyo at mga propesyunal para makabalik sila sa trabaho sa ligtas na paraan at patuloy na kumita.
Pansamantalang itigil ang pagbabayad-utang ng gubyerno. Itigil ang pagwawaldas sa modernisasyon ng AFP at pagbili ng mga armas para sa kontra-insurhensya. Itigil ang paniningil ng buwis sa ilalim ng TRAIN, ibasura ang 10% buwis sa mga produktong petrolyo at ibaba ang presyo ng mga bilihin. Itigil ang pagbibigay ng dagdag na insentiba sa malalaking negosyo habang pinipiga ang mamamayan. Patawan ng buwis ang pag-aari ng mga bilyunaryong kapitalistang Pilipino.