Mga drayber na nanawagan ng balik-pasada, ikinulong


Anim na drayber ng dyip ang ikinulong ng mga pulis sa Caloocan City matapos magprotesta noong Hunyo 2 para muling makapasada. Bahagi ang protesta ng pambansang kampanya para sa pagbabalik-pasada ng mga dyip sa pamumuno ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston).
Kabilang sa mga ikinulong si Elmer Cordero, 72, at ang Deputy Secretary General ng Piston na si Ruben Baylon. Inaresto sila sa kabila ng mahigpit na pag-oobserba ng tamang distansya sa isa’t isa habang nagpuprotesta.
Sa ulat ng rehimen, nasa 36,243 pa lamang na drayber ang nabibigyan nito ng ayuda. Wala pa ito sa kalahati ng tinatayang 240,000 drayber at opereytor ng dyip sa buong bansa.
Sa Hunyo 22 pa pahihintulutang makabyahe ang mga dyip sa Metro Manila. Ito ay sa kabila ng walang masakyan ang mga manggagawang inobliga nang bumalik sa trabaho noon pang Hunyo 1. Grabeng perwisyo ang idinulot ng pagbabawal na ito sa mga komyuter.
Para makapamasada, kinakailangang kumuha ng espesyal na permiso ang mga drayber. Prayoridad pa ng gubyerno ang pagpapahintulot sa mga “modernong” dyip kumpara sa mga tradisyunal o lumang dyip. Dagdag pahirap din sa mga tsuper ang pagbabago ng ruta ng byahe na iniangkop sa tinatawag na “new normal.” Ayon sa grupong Piston, malaki ang malulugi sa mga drayber sa mga pakanang ito.
Umani ng malawakang suporta mula sa iba’t ibang personahe at organisasyon ang panawagang kagyat na palayain ang mga drayber.