Maanomalyang pagbili ng kagamitang medikal, nalantad

Nalatantad noong nakaraang buwan ang maanomalyang pagbili ng rehimeng Duterte ng napakamahal na mga kagamitang medikal. Pinakahuli rito ang 10 milyong protective personal equipment o PPE set na binili nito mula sa isang hindi tinukoy na kumpanyang Chinese sa halagang P1,800 kada set o P20 bilyon sa kabuuan. Karaniwang makakabili ng PPE sa halagang P400-P1,000 kada set.
Mula Marso, nagwaldas na ang rehimen ng P21.8 bilyon sa pagbili ng tinatayang 11 milyong PPE set. Tinatayang P10.8 bilyon hanggang P17 bilyon dito ang napunta sa bulsa ng mga tiwaling upisyal ng rehimen at mga kasosyo nilang kapitalista sa pagbili pa lamang ng PPE.
Napigilan noong nakaraang buwan ang planong pagbili ng rehimen ng mga polymerase chain reaction (PCR) machine na nagkakahalaga ng P4.3 milyon kada isa at mga swab test kit na nagkakahalaga ng P1,600 kada isa mula sa Omnibus Bio-Medical Systems Inc. na pinaiimbestigahan ngayon dahil sa pag-iimbak ng mga kagamitang medikal at sobrang pagpepresyo.
Kung direktang bibilhin ang mga produkto mula sa kumpanyang Sansure Biotech Inc. na nagmamanupaktura ng mga ito, mabibili ang mga makina sa halagang P1.75 milyon lamang, at ang mga test kit sa halagang P600 kada isa.