Balik-tanaw sa kilusang welga noong dekada otsenta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa BisayaEnglishHiligaynon

Pansamantalang nasupil ang kilusang welga at mga kilos protesta ng mga manggagawa at mga tagasuporta nito nang ipataw ni Ferdinand Marcos Sr ang batas militar sa buong bansa noong 1972. Ngunit nang tumindi ang krisis sa ekonomya, hindi nito nagawa na pigilang pumutok ang mga welgang nagsimula sa La Tondeña noong 1975. Nagtuluy-tuloy ito kasabay ang mga anti-pasistang pakikibaka na nagpabagsak sa pasistang diktadurang US-Marcos noong Pebrero 1986, at maging sa mga unang taon sa ilalim ng rehimen ni Corazon Aquino.

Ang mga taon na ito ay kinatangian ng laganap na mga welga at pakikibaka sa pabrika, pagkakaisa ng progresibo at militanteng mga unyon sa unahan ng kilusang paggawa, malawakang pagkapukaw ng mga manggagawa sa mga usaping unyon at pambansa, at ang aktibong partisipasyon ng libu-libong namulat na manggagawa sa mga aksyong pulitikal na matapang na nanguna sa buong demokratiko at patriyotikong kilusan.

Walang nakapigil sa bwelo ng kilusang paggawa. Noong 1981, nang magbanta ang diktador na ipatutupad ang Batas Pambansa 170 upang matigil ang mga pag-aklas ng mga manggagawa, kagyat itong sinagot ng mga welga noong Oktubre 15, 1981 ng mga manggagawa sa tela sa Solid Mills at International Pants Corporation sa Parañaque at Litton Mills sa Pasig, Metro Manila.

Nauna rito, nag-alsa noong Enero 5 at 7, 1981 ang 6,500 minero sa Benguet Mining Corporation sa Cordillera. Pinaralisa nila ang mga operasyon sa mga minahan sa Antasok, Acupan, Balatoc, Kelly at Atok-Big Wedge na tumagal ng siyam na buwan. Hiling nila ang ₱1 dagdag sa kanilang arawang sahod sa unang taon ng kanilang collective bargaining agreement (CBA). Noong Marso 31, 1981 inilunsad ang serye ng 50 welga upang ipatupad ang dagdag sa sahod at alawans batay sa dikreto ni Marcos. Isa sa mga nagwelga ay ang 10,000 obrero ng Novelty Corporation.

Sa Central Luzon, naparalisa ang operasyon ng Pepsi-Cola Bottling Company noong Abril 4 nang magwelga ang 1,100 manggagawa sa 13 bodega nito sa Pampanga, Bulacan, Bataan, Zambales at Nueva Ecija. Giit ng mga welgista: ibigay ang pamaskong bonus na hindi nila natanggap mula pa 1975. Sinuway naman ng 7,000 manggagawa ng Bataan Export Processing Zone (BEPZ) ang patakarang walang welga sa “paraiso” ng mga dayuhang kumpanya. Naglunsad ng pangkalahatang welga noong Hulyo 31, 1981 ang mga manggagawa ng Ford Ensite Ltd, Mariveles Apparel Corp., Integrated Electronics Inc., Monasteria Knitting Inc., at Mattel Phils Inc.

Sa Negros Occidental, nag-aklas noong katapusan ng Enero 1982 ang mahigit 1,000 manggagawa na kasapi ng National Federation of Sugar Workers sa Central Azucarera de La Carlota nang tumanggi ang kumpanya na ibigay sa kanila ang 13th month pay para sa nakaraang ilang taon.

Sabay-sabay na nagwelga noong Abril 16, 1984 ang mga manggagawa sa 120 paggawaan sa Metro Manila upang batikusin ang mga pasistang atake at panunupil sa mga welgista sa mga piketlayn. Sa parehong araw, libu-libong manggagawa ang nagmartsa sa libing ng dalawang welgista sa Foamtex Industries na pinaslang noong Abril 7, 1984 habang nasa piketlayn. Lumawak ang welga sa Far Eastern University, Philex, Quezon Development Bank (sa Quezon at walong sangay nito sa Laguna, Batangas at Naga City), Milky Way Manufacturing and Chemical Manufacturing. Samantala, nagliban sa kanilang mga trabaho ang 5,000 manggagawa ng Meralco at nagmartsa sa paligid ng kanilang upisina sa Pasig.

Sa ikatlong pagkakataon, pumutok ang malawakang welga sa BEPZ noong Mayo 28, 1984. Sinalihan ito ng 15,000 manggagawa mula sa 18 unyon. Naganap ang naunang mga welga noong Hunyo 1982 at Oktubre 1983.

Libu-libong manggagawa ang nagwelga sa 144 kumpanya sa Metro Manila noong Marso 10, 1984. Kabilang dito ang Rubberworld-Adidas (6,900), Yupangco Cotton Mills (3,000), Dai-ichi (4,000) at South Harbor (3,000).

Pagsapit ng 1986, higit na umunlad ang kilusang welga kung saan buong taong masiglang nasusteni ito. Tumaas ang mga bilang ng mga welga noong 1985 nang 30% mula 282 noong 1984 tungong 366. Higit ding dumami nang 67% ng mga manggagawa ang lumahok sa mga welga, mula 65,000 tungong 109,000.

Noong Nobyembre 13, 1986 dinukot at pinaslang si Ka Rolando Olalia, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at ng Partido ng Bayan, at kasama ang unyonistang si Leonor Alay-ay. Umabot sa kalahating milyon ang nagmartsang manggagawa nang ilibing sina Ka Lando noong Nobyembre 20, 1986. Bilang pakikiramay, pinaralisa ng 15,000 manggagawa ang 28 sa 31 kumpanya ng BEPZ.

Umaabot sa 200,000 obrero ang nagdaos ng mga militanteng rali at demonstrasyon sa Metro Manila at iba pang sentrong urban ng bansa upang ipagdiwang ang makasaysayang araw ng paggawa noong Mayo 1, 1989. Nagtipon sa Luneta Grandstand sa Maynila ang may 130,000 manggagawa sa ilalim ng KMU. Isa sa pinakamalaking pagkilos ito para sa makasaysayang araw ng mga anakpawis na naging hudyat ng pagsimula sa pangkalahatang welga noong Mayo 26 hanggang 31, 1989. Sinalihan ito ng 500 unyon sa Metro Manila, 57 kumpanya sa Central Luzon, partikular sa Bulacan at Bataan, Southern Tagalog (11), Mindanao (69), Visayas (22) at Northern Luzon (3).

Pinaralisa sa buong bansa ang 700 kumpanya sa pagmamanupaktura, transportasyon at serbisyo, at nawala ang 5 milyong araw-paggawa sa mga kapitalista. Kumilos sila sa mga piketlayn sa harap ng mga pabrika, nagmartsa sa mga kalsada at nagdemonstrasyon sa mga plasa at sa harapan ng Kongreso. Demanda nila ang dagdag na ₱30 across-the-board sa arawang minimum na sahod sa lahat ng mga manggagawa.

Noong Mayo 30, nagpasa ang Kongreso ng panukalang batas na nagbigay ng ₱25-₱20-₱15 umento sa minimum na arawang sahod. Dahil dito, napwersa ang gubyerno na aprubahan ang panukalang batas sa kabila ng matinding pagtutol mula sa mga dayuhan at lokal na kapitalista at ng papet na rehimeng Aquino I.

Nakamit ng mga uring anakpawis ang kanilang mga tagumpay dahil sa lakas ng kilusang welga!

Balik-tanaw sa kilusang welga noong dekada otsenta