Koresponsal Kawalang lupa ng mga magsasaka
sa Surigao del Sur

,
Ang artikulong ito ay may salin sa BisayaEnglishHiligaynon

Baon sa utang dahil sa taas ng gastos sa produksyon ang mga magsasaka ng palay sa Surigao del Sur. Nagtaasan ang presyo ng abono, pestisidyo at produktong petrolyo pero walang pagbabago sa presyo ng pagbili sa kanilang mga produkto. Higit pa, nananatiling pinakamalaking bulto ng kanilang kita ay napupunta sa upa sa lupa sa anyo ng mapagsamantalang partehan sa pagitan nila at kanilang among panginoong maylupa. Nananatiling ang kawalan ng sariling lupa ang pinakamalaking salik sa kanilang pagkalugi at paghihirap.

Relasyong panginoon-kasama

Saup o kasama sa palayan si Tatay Bebot. Tatlumpong taon na niyang sinasaka ang 2-ektaryang lupa na hindi kanya. Nagawan niya ito ng 12 sukod o parsela at nakaaani siya rito ng 40 sako kada taniman.

Umiiral ang hatiang 50-50 sa pagitan ni Tatay Bebot at ng kanyang among may-ari ng lupa. Sagot ni Tatay Bebot ang lahat ng gastos sa produksyon. Ito ang pinakamapagsamantalang hatian sa prubinsya kung saan umiiral na ang hatiang 70-30 pabor sa kasama at 50-50, kung saan sagot naman ng amo ang gastos sa produksyon. Hindi siya makaalma sa takot na palitan siya bilang kasama.

Nitong nagdaang anihan, umabot sa ₱40,000 ang kanyang kita sa bilihang ₱1,000 kada sako o ₱20 kada kilo ng palay. Sa hatiang 50-50, obligado siyang iabot ang ₱20,000 sa kanyang amo bilang upa sa lupa.

Sa bawat taniman, gumagastos si Tatay Bebot ng ₱10,500 para ipangsahod sa mga manggagawang bukid na kinakatuwang niya sa paghahanda ng lupa, pagpupunla, pagtatanim, pag-aayos ng pilapil hanggang sa pag-ani. Ang bili niya sa binhi sa halagang ₱1,000 kada sako. Gumagastos siya ng ₱4,500 para sa pagpapa-ispray ng pestisidyo. Ang gastos niya sa abono ay ₱3,200. Lahat-lahat, umabot sa ₱27,500 o ₱222.2 kada araw sa 90 na araw na siklo. Hindi lamang hindi kumita, abonado pa si Tatay pagkatapos ng anihan!

“Hindi talaga kasya,” aniya. “Yung kita, lahat napupunta sa gastos sa pagsasaka. Nagtityaga lang talaga kami at nangungutang sa amo naming maestro.” Tulad ng ibang saup, siya’y lubog at di na makaahon sa di mabaya-bayarang utang.

Pangarap sana niyang makapagtapos sa pag-aaral ang kanyang limang anak. Pero dahil laging lugi sa anihan, iniisip niyang patigilin na muna at patulungin sila sa bukid.


Malayo sa “simpleng buhay”

Sa likod ng romantisidong “simpleng buhay” sa kanayunan ang masidhing paghihirap ng mga magsasaka, manggagawang bukid at kanilang mga pamilya.

Sa kaso ni Tatay Bebot, kailangan niya ng minimum na ₱575 kada araw para sa bigas, ulam at asin, pamasahe ng kanyang mga anak at gamit pangkalinisan tulad ng sabon at toothpaste pa lamang.

Dagdag dito ang pana-panahong gastos para sa mga prodyek ng mga bata sa eskwelahan, sigarilyo, load pang-selpon at iba pa. Wala siyang nakaimpok para sa mga biglaang gastos tulad ng mga pagkakasakit. Mas lalong wala siyang pondo sakaling mawasak ang kanyang sakahan sa harap ng malalakas na bagyong madalas dumadaan sa kanilang prubinsya.

Para makaagapay, namamasukan si Tatay Bebot bilang kasama sa ibang sakahan, construction worker at minsan ay nangingisda. Sa pana-panahon ng mga trabahong ito, kumikita siya ng di lampas ₱300 katumbas ng buong araw na pagbabanat ng buto.

“Syempre, tulad ng iba, pangarap kong magkaroon ng sariling lupa para may bumalik man lamang kahit paano sa itinatrabaho ko sa pagsasaka,” aniya.


Tunay na repormang agraryo

Patuloy na itinutulak sa prubinsya ang pagbabago sa hatian ng kita mula 50-50 at 70-30 tungong 75-25, pabor sa magsasaka. Ito ay para bigyan ng alwan ang mga nagbubungkal ng lupa habang ipinaglalaban nila ang karapatan nila sa lupa.

Sa pamamagitan ng kolektibong pagkilos sa nakaraan, napataas ng mga magsasaka ang presyo ng bilihan ng palay, kopra at abaka, mga prinsipal na pananim sa prubinsya. Naitaas din ang bilihan ng komersyal na kahoy.

Kasabay nito, naitulak ng mga manggagawang-bukid tungong ₱350-₱400 ang arawang sahod mula sa napakababang ₱150-₱200. Naigiit din nila ang libreng tanghalian at isnaks.

Sa ngayon, muling ibinubwelo ang mga kampanyang ito kaakibat ng paglaban sa matinding militarisasyon sa malaking bahagi ng prubinsya na kinatampukan ng mga pag-aaresto, detensyon at pagpatay sa mga lider-magsasaka.

Kawalang lupa ng mga magsasaka
sa Surigao del Sur