Pinapahamak ng gubyerno ang mga marinong Pilipino

,
Ang artikulong ito ay may salin sa BisayaEnglishHiligaynon

Lunod sa patung-patong na suliranin ang mga Pilipinong marino at mandaragat. Kinahaharap nila ang usapin sa kawalan ng trabaho, kontraktwalisasyon, mataas na bayarin sa pagsasanay, sapilitang mga singilin at iba pa. Pinababayaan sila ng gubyerno sa kabila ng remitans na ipinapasok nila sa bansa.

Sa datos ng Concerned Seafarers of the Philippines (CSP), tinatayang hindi bababa sa 750,000 ang rehistradong marino at mandaragat sa Pilipinas. Sa bilang na ito, 400,000 lamang ang nakasasakay sa barko na may kontrata sa prinsipal o kumpanya.

Nangunguna ang Pilipinas sa pinagkunan ng mga marino sa buong mundo, ayon sa datos ng UN Conference on Trade and Development noong 2021. Tinatayang mayroong isang marinong Pilipino sa bawat apat hanggang limang crew ng mga sasakyang pandagat sa kahit anong panahon.

Noong taong iyon, nakapagpadala ang mga marino ng $6.55 bilyong remitans o halos 21% ng kabuuang remitans na ipinasok ng mga migranteng manggagawang Pilipino sa bansa na $31.42 bilyon. Tinatayang 8.9% ang kabuuang kontribusyon ng mga remitans na ito sa gross domestic product ng bansa.


Disempleyo at kontraktwalisasyon

Kamakailan, naiulat na nanganganib na hindi na makasasakay sa mga barko sa Europe ang mahigit 50,000 marinong Pilipino. Bunga ito ng kapalpakan ng gubyerno ng Pilipinas na itaas ang antas ng kakayahan at kalagayan ng mga marinong Pilipino.

May pangambang pumalya ang bansa sa ebalwasyon ng European Maritime Safety Agency (EMSA) sa pamantayan ng pagsasanay o International Convention on Standards of Training, Certification, and Watchkeeping for the Seafarers (STCW) ngayong taon.

Simula pa 2006, makailang-ulit nang pinuna ng EMSA ang Pilipinas at mga ahensya nito sa napakababang kakayahan ng mga marinong Pilipino. Noong 2020, ilan sa pinuna ng EMSA ang kakulangan ng kagamitan sa pagsasanay, hindi angkop na patakaran sa pagtuturo at pagtatasa, at 46 pang “areas of concern.” Sa kabila nito, walang signipikanteng aksyon ang gubyerno.

Ayon sa CSP, ang pangunahing salarin sa kapalpakang ito ay ang pagpapaubaya ng gubyerno sa mga pribadong paaralan para magsanay ng mga marino. Anila, inabandona ng estado ang tungkulin nito sa sektor. Sa 76 na unibersidad na mayroong programa o kursong pagmamarino sa bansa, 58 ang pribado.

Bwelta ng CSP, napakamahal ng matrikula at bayarin sa itinakdang pagsasanay ng Commission on Higher Education (CHED) at Maritime Industry Authority (MARINA), hindi naman pala ito pasado sa pamantayan ng EMSA. Hindi bababa sa ₱83,985 ang binabayaran ng bawat isang marino para sa itinakdang mga pagsasanay, liban pa sa matrikula (₱20,000-₱90,000 kada taon) at ibang gastos sa pag-aaral.

Taun-taon, 25,000 estudyante ang nagtatapos sa mga eskwelahang pangmarino ngunit 5,000 lamang sa kanila ang nakakukuha ng trabaho sa mga komersyal na barko. Kung makasasakay ng barko, kontraktwal ang katayuan ng karamihan. Limitado sa anim na buwan ang kanilang trabaho at wala silang mga benepisyo.

Nakapako sa $400 (o ₱23,200 sa palitang $1=₱58) kada buwan ang sahod ng mga marinong mababa ang ranggo at mga ordinaryong seaman.

Ginagatasan din sila ng gubyerno sa sapilitang pangungulekta ng PhilHealth (4% ng buwanang sweldo), Pag-ibig at Social Security System na bihira nilang mapakinabangan.
Sa ilalim ng mga ito, pinuna ng CSP ang pinatindi pang programa ng gubyerno sa pag-eeksport ng lakas-paggawa ng mga Pilipino. Anila, sa kawalan ng trabaho sa sariling bayan, ibinebenta ang mga Pilipino para magtrabaho sa dayuhang bayan.


Pagkakaisa at paglaban

Nabuo ang CSP bilang samahan ng mga marino sa rurok ng pandemyang Covid-19 kung saan lalupang tumindi ang pagsasamantala sa mga marino at mandaragat.

Sa inilunsad nitong asembliya noong Oktubre 24, pinagtibay nila ang pagkakaisa para igiit ang regularisasyon ng mga marino, pagkakaroon ng batayang mga benepisyo, pagtaas ng sahod, at pagbasura sa age limit para makapagtrabaho. Isusulong din nila ang pagkakaroon ng abot-kayang edukasyon para sa mga marino, pagtatakda ng 8 oras na paggawa at pagkakaroon ng taunang leave.

Suportado rin nila ang panukalang Magna Carta of Filipino Seafarers o House Bill 4438 ni Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party na inihain noong Setyembre 2022.

Pinapahamak ng gubyerno ang mga marinong Pilipino