Palawakin at palakasin ang kilusang manggagawa at mga pakikibakang unyon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynonBisaya

Sa gitna ng bumubulusok na kabuhayan ng masang anakpawis, lalong kinakailangang kumilos ang masang manggagawa sa unahan ng mga pakikibakang bayan para isulong ang interes, kapakanan at mga hangarin ng sambayanan. Dapat ituon ng Partido Komunista ng Pilipinas ang kanyang pansin at lakas para baklasin ang mga balakid na humahadlang sa pasulong na pagmartsa ng masang manggagawa para sama-samang labanan ang tumitinding pagsasamantala at pang-aapi, at pasistang panunupil.

Dapat magbalik-tanaw sa kasaysayan ng kilusang paggawa, mula pag-usbong at panimulang pagsulong sa unang bahagi ng ika-20 siglo, hanggang pagyabong at ibayong paglaganap sa susunod na mga dekada, upang halawan ng inspirasyon at mga aral para gamiting gabay sa pagsulong sa kasalukuyang panahon.

Kahit wala pang malalaking empresa, ipinamalas ng noo’y bubot pang uring manggagawa sa Pilipinas—mga trabahador sa imprenta, asukarera, pagawaan ng sigarilyo, mga sastre, sapatero, karpintero, barbero at iba pa—ang determinasyong magkaisa at ipagtanggol ang interes ng mga anakpawis at ng buong bayan. Dumaloy sa kanilang ilandaang mga gremyo, bukluran at unyon ang kanilang kapangyarihang panlipunan at pampulitika na nagkahugis sa malawakang mga welga, pangkalahatang pag-aaklas at pagbuhos sa lansangan ng daan-daan libong mamamayan.

Sa paglawak ng kalakalang kolonyal at neokolonyal, at operasyon sa mga minahan at mga plantasyon, pagmamanupaktura, pag-asembol at pag-iimpake na pag-aari ng malalaking burgesyang komprador at asendero, lumaki ang bilang ng mga manggagawa sa Pilipinas, at kaakibat nito, ang kanilang mga unyon at kolektibong lakas. Sumiklab ang mga pakikibakang pang-ekonomya at pampulitika ng militanteng kilusang manggagawa noong dekada 1930, sa katapusan ng dekada 1960 at simula ng dekada 1970, at sa unang hati at katapusang bahagi ng dekada 1980, kahit sa harap ng pasistang panggigipit at panunupil.

Mula dekada 1990, lumiit ang porsyento ng mga manggagawang may unyon at bilang ng welga. Umigting ang mga neoliberal na paninibasib sa kilusang paggawa na kinatampukan ng malawakang masaker sa regular na trabaho, “no union, no strike policy” sa mga engklabo at export processing zone (simula pa dekada 1970), at ng todo at sistematikong “pleksibilisasyon” (kontraktwalisasyon, “two-tier wage system,” “compressed work week” at katulad nito) laluna sa dekada 1990.

Sa kabila ng mainam na sitwasyon para sa malawakang pagpukaw at pagpapakilos, sa pangkalahatan, hindi nakabwelo, manapa’y humina at umatras, ang kilusang unyon at mga pakikibakang manggagawa sa nagdaang tatlong dekada. Pininsala at pinahina ito ng mga wala sa lugar na gasgasang welga at labanan (sa tulak ng insureksyunismong lunsod) at ang kabilang mukha nito ng ligalismo, repormismo, ekonomismo, kolaborasyunismo, pati na korapsyon sa kilusang unyon. Sumapaw dito ang pasistang panunupil sa mga unyon at welga.

Pinuna at iwinaksi ang mga pagkakamaling ito sa panahon ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Upang tuluy-tuloy na sumulong, kailangang lubos na putulin ang mga buntot nito at pahigpitin ang kapit sa mga saligang prinsipyo.

Nakabase ang lakas ng mga manggagawa sa laki at dami ng mga unyon. Unyon ang sandata ng mga manggagawa para ipagtanggol ang kanilang kapakanan sa harap ng kapitalista. Lahat ng mga karapatan na tinamasa ng mga manggagawa—mas mataas na sahod, kaligtasan at kaseguruhan sa trabaho—ay nakamit hindi dahil sa pagkukusa o kagandahang-loob ng mga kapitalista, kundi naipagtagumpay sa mahihirap, at kadalasa’y buhay-at-kamatayang mga pakikibakang unyon. Anumang saglit na humina o mabuwag ang unyon, ang mga karapatan at benepisyong naipagtagumpay ng mga manggagawa ay babawiin at ipagkakait ng mga ganid-sa-tubong kapitalista.

Kailangang paramihin at palakasin ang mga unyon. Dapat itong itayo sa pinakamaraming bilang ng pagawaan, laluna sa malalaking empresang may mataas na konsentrasyon ng mga manggagawa, kabilang ang mga nasa engklabo sa paggawa kung saan pinakamatindi ang panunupil at pagsasamantala. Dapat abutin ang mga manggagawa sa iba’t ibang sentrong lunsod sa buong bansa. Dapat pangibabawan ang lahat ng sagabal sa pag-uunyon, kabilang ang ipinapataw na pamantayang ligal na naglilimita ng kasapian ng unyon sa mga regular na manggagawa. Buklurin at pakilusin ang lahat ng manggagawa sa mga unyon, samahan ng mga kontraktwal at iba pang anyo ng samahan.

Sa pagbulusok ng ekonomya at kabuhayan, napapanahon at kailangang itulak ang isang malawakang kilusan sa pag-oorganisa at pakikibakang manggagawa para ipaglaban ang pagtataas sa sahod at pagpapabuti sa mga kundisyon sa paggawa. Isagawa ang malawakang kampanya sa propaganda at edukasyon. Matapang, mapangahas at mapanlikhang itayo, pasiglahin at palakasin ang mga unyon at iba’t ibang anyo ng samahang manggagawa. Kamtin ang ilang ulit na paglakas ng kilusang unyon sa isang takdang panahon.

Susi ang papel ng kilusang manggagawa sa pagsusulong ng malawakang kilusang masa sa kalunsuran. Ang malawakang pagkilos ng mga manggagawa ay matibay na angklahan para sa malawakang pagbubuo ng mga samahan, gremyo at iba pang tipo ng asosasyon ng iba’t ibang demokratikong uri at sektor, para ipagtanggol ang kani-kanilang interes at kapakanan.

Mula sa kanilang mga pabrika, dapat pakilusin ang mga manggagawa sa lansangan para ipamalas ang kanilang lakas sa pakikipaglaban para sa interes ng buong uri at buong bayan. Sa gayon, ang mga unyon ay nagsisilbi hindi na lamang sa interes ng mga manggagawa sa isang pagawaan, kundi nagsisilbing organisasyon para sa kanilang paglahok sa mga pakikibakang panlipunan. Higit sa lahat, dapat mulat na ikawing ng kilusang manggagawa ang sarili nito sa mga pakikibaka ng masang magsasaka sa kanayunan laban sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala at pasistang pang-aapi.

Dapat puspusang kumilos ang mga kadre at kasapi ng Partido upang magsilbing lihim na aserong gulugod ng kilusang manggagawa. Dapat silang magsilbing huwaran ng disiplina, sigasig, kawalang-pagod, tapang, determinasyon at rebolusyonaryong optimismo. Dapat nasa unahan sila ng masang manggagawa sa pagmartsa sa lansangan, at sa pagbagtas sa landas patungo sa kanayunan upang magsilbing mga mandirigma at kumander ng hukbong bayan.

Dapat itaas ang pampulitika at maka-uring kamulatan ng mga manggagawa at ituro ang kanilang namumunong papel sa rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya, at sosyalistang hinaharap.

Palawakin at palakasin ang kilusang manggagawa at mga pakikibakang unyon