Koresponsal Tumataas daw ang implasyon dahil tumataas ang demand?

,
Ang artikulong ito ay may salin sa BisayaEnglishHiligaynon

Hindi nagulat ang masang anakpawis sa pagsirit ng tantos ng implasyon tungong 7.7% noong Oktubre. Ramdam na ramdam nila ang pagliit ng halaga ng kanilang sahod at kita, at ang pagkalam ng sikmura ng kanilang mga pamilya.

Ang nakagugulat ay ang ipinagmalaki ng mga upisyal ng estado na lumago ang ekonomya dulot ng pagbwelo ng paggasta ng mga pamilya habang “bumabalik na” ang mamamayan sa “buhay bago ang pandemya.” Lumikha diumano ito ng “pagtaas ng demand” na itinuturo nilang isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin.

“Buwaon! Hirap na hirap na mga tawo didi, nanun insasabi nila na lumalaki ang demand?” (Sinungaling! Hirap na hirap na ang mga tao dito, anong pinagsasabi nilang tumaas ang demand?) Ito ang reaksyon ni Mang Tani, 37-taong gulang na manggagawang-bukid sa isang niyugan sa Sorsogon, nang tanungin siya kaugnay dito.

Nagtala ang kalakhan ng rehiyon ng Bicol ng 7.2% na tantos sa implasyon noong Oktubre, mas mataas nang 0.6% kumpara sa Setyembre. Tulad sa ibang bahagi ng bansa, pinakamabilis na sumirit ang mga presyo ng pagkain sa rehiyon.

Dagdag-pasanin ang mga pagtaas na ito kay Mang Tani. Nakikitanim siya ng kamoteng kahoy sa lupa ng kanyang tenanteng mga magulang para makadagdag ng kita. Kahit mamasukan pa siya sa pangatlong trabaho, hindi pa rin sapat ang kanyang kikitain. Sa kabuuan ng rehiyon, nakapako ang sahod sa lahat ng sektor sa ₱345/araw. Malayong-malayo ito sa ₱1,119 na nakabubuhay na sahod para sa 5-kataong pamilya.

Gayundin ang kalagayan ni Mai Sinay, isang lola na may 5-ektaryang niyugan na tinatrabaho ng kanyang pamilya.

“Kulang na kulang ang kita laluna ang baba ng bilihan ng kopra ngayon,” kwento niya. May inaalagaan siyang limang apo, edad lima hanggang 16-taong gulang.

“Liban sa pagkain, pinakamabigat ang singil sa kuryente,” aniya. “Dagdag pa ang mga project ng mga bata.” Walang panggastos sina Mai Sinay labas sa pinakabatayang mga pangangailangan.

Tulad ni Mang Tani, di kabilang ang pamilya ni Mai sa mga “nagpataas ng demand.”

“Mas bumaba nga dahil walang pambili,” aniya. “Mas kumonti rin ang nabibili.”

Maling suri, maling tugon

Binatikos ng Ibon Foundation ang tugon ng estado na pagtataas ng tantos sa interes para rendahan ang dagdag pang pagsirit ng implasyon. Anim na beses nang itinaas ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang interest rate mula Hulyo.

Ayon sa grupo, ang pagtataas ng interest rates ay maaaring lalupang magpabagal sa ekonomya, magbunga sa disempleyo at pagpabagsak ng kita ng mga pamilya. “Bumabagal na ang ekonomya, ang nalilikhang mga trabaho ay low-paying (mababa ang sahod) at di pormal, at dati nang di tumataas ang kita ng mga pamilya.”

Hindi angkop na paraan ang pagtataas ng interest rate para agapan ang implasyon, anito. Ito ay dahil hindi nanggagaling ang pagsirit ng presyo sa pagtaas ng demand. (Sa mga kapitalistang bansa, nangyayari na tumataas ang implasyon kapag mataas ang empleyo at maraming hawak na perang panggastos ang mga konsyumer na manggagawa.) Anang Ibon, ang dinaranas na implasyon sa bansa ay dulot ng tinatawag na “cost-push” na mga salik. Ang mga ito ay dagdag sa gastos sa produksyon, na siya namang nagpapataas sa presyo ng mga produkto.

Ang totoo, bumagal pa nga ang paggasta ng mga pamilya, na makikita sa datos ng estado sa pagliit ng halaga ng household spending sa nakaraang tatlong kwarto. (Ang household spending ang suma ng ginagasta ng mga pamilya para sa batayang mga pangangailangan tulad ng pagkain, damit, upa, gastos sa enerhiya, transportasyon, durable goods tulad ng kotse, gastos medikal, pagliwaliw at iba pang serbisyo.) Sa Pilipinas, binubuo nito ang 80% ng gross domestic product, at isang pangunahing sukatan ng demand.

Dagdag sahod ang panawagan ng kilusang mangagagawa sa gitna ng pagsirit ng implasyon. Dahil sa nagtataasang presyo, nasa ₱494 na lamang ang tunay na halaga ng sahod sa National Capital Region na ₱570. Matagal nang dapat itinaas ang sahod, laluna matapos lubhang naagnas ang halaga nito dulot ng mapangwasak na mga lockdown sa nakaraan, walang tigil na pagtaas ng presyo ng petrolyo at iba pa. Kasabay nito, panawagan ng mga demokratikong sektor na isuspinde o tanggalin ng estado ang mga buwis na nakapatong sa mga kinokonsumong produkto tulad ng VAT at mga excise tax sa langis.

Tumataas daw ang implasyon dahil tumataas ang demand?