Mala-alaping sahod at naglalakihang kita

,

Sa loob ng dalawang dekada mula 1999, tumaas nang 946% ang netong kita ng 1,000 pinakamalalaking kumpanya sa Pilipinas. Sa kabilang banda, tumaas lamang nang 140% mula ₱224 tungong ₱537 sa panahong ito ang mala-aliping sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region, ang pinakamataas na minimum sa buong bansa. Bahagyang bumaba ang netong kita noong 2020 nang ipinatupad ang pinakamarahas at isa sa pinakamatagal na lockdown sa buong mundo. Pero noong 2021, hindi lamang nakabalik, nalagpasan pa ng mga kumpanyang ito ang ₱1.455 bilyong kita noong 2019 tungong ₱1.817 bilyon.

Sa gitna nito, nakapako sa ₱537 ang minimum ng isang manggagawa sa pambansang kabisera. Kung ibabawas ang lahat ng rekisitong kaltas (SSS, Philhealth, Pag-ibig), wala pang ₱500 ang kanyang naiuuwi. Noong 2022, itinaas ang sahod nang katiting na ₱33 sa NCR tungong ₱570. Gayunpaman, kinain lamang ito ng pagsirit ng implasyon. Noong 2022, nasa ₱495 lamang ang tunay na halaga ng sahod.

Pagpasok ng 2023, lalupang iwinasiwas ng malalaking burges ang naglalakihang kita ng kanilang mga kumpanya habang nakapako pa rin ang sahod. Kakoro sila ng estado sa ipinagmamalaki nitong 6.4% na gross domestic product, at diumano’y pagbabalik sa ekonomya ng Pilipinas sa padron ng “mataas na pag-unlad.”

Nangunguna rito ang San Miguel Corporation ni Ramon Ang, na nangalandakang tumaas ang netong kita nito nang 27% tungong ₱17.7 bilyon mula Enero hanggang Marso. Ito ay habang tumaas nang 9% ang rebenyu ng mga kumpanya sa ilalim nito tungong ₱346.7 bilyon. Ang kitang ito ay nagmula pangunahin sa mga plantang nagmamanupaktura ng pagkain at inumin, singil sa toll at Petron. Higit dito, inaasahan ni Ang na lalupang tataas ang kita ng kanyang mga kumpanya sa susunod na mga buwan.

Iniulat din ng mga kumpanya ng pamilyang Zobel-Ayala na tumaas ang kita nito nang 31% tungong ₱10.2 bilyon sa panahon ding ito. Kabilang sa mga kumpanyang tumabo ng kita ang Bank of the Philippine Islands, Ayala Land Inc. at Globe Telecom.

Samantala, nag-ulat nang 33% pagtaas ng kita o tungong ₱17.3 bilyong ang SM Investments ng pamilyang Sy. Pinagmamay-arian ng mga Sy ang mga kumpanyang notoryus sa pag-empleyo ng mga manggagawang walang pagpipilian kundi mamasukan bilang kontraktwal na tumatanggap ng di nakabubuhay na sahod at minimal, kung meron man, na mga benepisyo.

Kasabay ng paglobo ng kita ng mga kumpanya ang paglaki ng personal na yaman ng pinakamalalaking kumprador. Tumanggap nang hanggang ₱2.6 milyon kada buwan ang pinakamatataas na upisyal ng mga kumpanyang ito, humigit-kumulang 325 beses na mas malaki sa buwanang kita ng mga sahurang manggagawa. Sa mga taong 2020-2022, lumaki nang ₱1 bilyon ang yaman ng limang pinakamalalaking burgesyang komprador.

Ayon sa Ibon Foundation, ang ipinapanukalang ₱150 na across the board ng dagdag sa arawang sahod ay katumbas lamang ng 12%-14% ng kita ng pinakamalaki, katamtamang-laki at maliit na mga kumpanya, kahit ibatay sa relatibong mas mababang netong kita ng mga ito noong 2020. Ang mga empresang ito ay nag-eempleyo ng pinakamaraming sahurang manggagawa (88%), kumpara sa maliliit (micro) na negosyo. Taliwas sa pagdadahilan ng mga kapitalista, ang malalaking empresa ang nag-eempleyo ng pinakamaraming sahurang manggagawa (49.3%), habang 12% lamang ang iniempleyo ng mga negosyong micro na mangangailangan ng subsidyo mula sa gubyerno.

Kung itatakda naman sa ₱750 ang arawang pambansang minimum, maaapektuhan ang 59% ng kabuuang netong kita ng lahat ng mga establisyemento, batay sa mababang kita ng mga ito noong 2020. Tumaas na nang 221% noong 2021 ang kita na ito at patuloy na lumalaki ngayong 2023. Pinakamababa ang epekto ng pagtataas ng pambansang minimum sa malalaking kumpanya (36% lamang ng kanilang kita).

Ayon sa Ibon, anumang ipatupad na dagdag-sahod ay may “second order effect” o sekundaryong epekto kung saan gagastusin ng mga manggagawa ang dagdag na sahod sa pagkain at mga serbisyong pinagkakakitaan ng marami sa impormal at agrikultural na sektor.

Mala-alaping sahod at naglalakihang kita