Ika-50 taon ng pagkamartir ni Ibrahim Kaypakkaya, ginunita
Ginunita ng mga rebolusyonaryong pwersa sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang ika-50 anibersaryo ng pagkamartir ni Ibrahim Kaypakkaya, tagapagtatag ng Communist Party of Turkey, noong Mayo 20. Si Kaypakkaya, tulad ng mga rebolusyonaryo ng Pilipinas, ay namulat sa panahon ng daluyong ng sosyalistang rebolusyon sa China sa pamumuno ni Chairman Mao.
Nagkaroon ng mga aktibidad sa paggunita sa kanyang pagkamartir sa mayor na mga lungsod ng Turkey tulad ng Istanbul, Izmir, Çanakkale at Ankara. Inilunsad ng mga organisasyon ang mga martsa, pagsasabit ng mga balatengga, mga pagpupulong at pag-aaral. Nagkaroon din ng mga katulad na aktibidad sa Rojava, ang rehiyong sentro ng pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya ng mamamayan ng Kurdistan. Naglunsad din ng mga martsa ang mga organisasyon sa Europe tulad ng Germany, Austria, London at Paris.
Sa kanyang kabataan, itinatag ni Kaypakkaya ang Partido sa Turkey. Masugid siyang mag-aaral ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at matamang inilapat iyon sa partikular na kalagayan ng kanilang bansa. Pinangunahan niya ang anti-imperyalista at sosyalistang propaganda at edukasyon sa hanay ng mamamayan ng Turkey. Pinamunuan niya ang pagtatatag ng Workers’ and Peasants’ Liberation Army o TIKKO para maglunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa bansa.
Limampung taon na ang nakalilipas nang dinakip, tinortyur at pinaslang ng pasistang reaksyunaryong estado ng Turkey si Kaypakkaya sa imbing layunin na wakasan ang pagbabangon ng mga manggagawa at aping mga uri sa Turkey. Sa halip, patuloy na lumalaganap at nagsisilbing inspirasyon ang rebolusyonaryong simulain ni Kaypakkaya sa Turkey at sa ibang panig ng mundo.
Ipinabatid ng Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan at buong rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas ang pakikiisa sa mga rebolusyonaryong pwersa ng Turkey sa okasyon ng paggunita sa anibersaryo ng pagkamartir ng kanilang tagapagtatag.
Ayon sa Partido, habang bilyun-bilyon ang nagdurusa kapwa sa mga bansang kapitalista at malakolonyal at malapyudal, at kumakaharap sa banta ng imperyalistang gera at pagwasak at tumitinding pasismo sa iba’t ibang panig ng mundo, ang hindi nagmamaliw na alaala ni Kaypakkaya ay magsisilbing inspirasyon sa paglulunsad ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang aping mamamayan para sa pambansang at panlipunang paglaya at sosyalismo.