Mga protesta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

 

CBA sa Paperland, inaantala. Nagpiket ang mga manggagawa ng Paperland Inc, kumpanya sa Quezon City, sa harap ng kanilang pagawaan noong Mayo 16-17 para ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa maneydsment sa patuloy na pag-antala sa pakikipagnegosasyon para sa bagong Collective Bargaining Agreement (CBA). Noong Disyembre 2022 pa dapat ang negosasyon para pag-usapan ang dagdag-sahod, seguridad sa pag-uunyon, kalusugan at kaligtasan, dagdag-sahod at iba pa.

Umento sa sahod sa Southern Tagalog, ngayon na. Muling nagpiket sa regional wage board ng Calabarzon sa Laguna ang iba’t ibang organisasyon ng manggagawa noong Mayo 10 upang igiit ang ₱750 na dagdag-sahod sa rehiyon. Kaugnay ito ng hindi pa rin tinutugunan na petisyong isinumite noong Marso 27 ng Metal Workers Alliance of the Philippines (MWAP) at Workers Initiative for Wage Increase Alliance Southern Tagalog (WIN4WIN) para sa dagdag-sahod.

“ROTC games” ng AFP, tinuligsa. Nagbarikada sa loob ng University of the Philippines-Cebu ang mga estudyante nito noong Mayo 5 para pigilan ang nakatakdang oryentasyon ng Armed Forces of the Philippines sa mga kadete ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC.) Kaugnay ang oryentasyon sa ilulunsad na palarong ROTC sa buong Visayas. Dulot nito, natulak ang Commission on Higher Education at AFP na ilipat ang aktibidad sa Cebu Technological University sa Cebu City.

Protesta ng mga drayber sa Iloilo at Bacolod. Higit 100 drayber mula sa Iloilo City at Bacolod City ang nagpiket sa upisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board Region VI sa Iloilo City para ipahinto ang kanselasyon ng mg prangkisa ng mga indibidwal na drayber ng dyip. Sa inilabas na patakaran ng LTFRB Region VI, itinulak nito ang konsolidasyon ng mga prangkisa at nagbawal sa indibidwal na pagpapatakbo ng mga dyip. Nagpiket din ang mga tsuper sa Bacolod Government Center noong Mayo 8 para kalampagin ang alkade ng syudad kaugnay ng parehong hinaing.

Ibasura ang G7. Nagpiket ang mga aktibista mula sa ILPS-Philippines, Bayan at iba pang progresibong organisasyon sa Quezon City para ipanawagan ang pagbabasura sa G7 noong Mayo 20. Bahagi ang pagkilos sa International Day of Action Against the G7 na itinaon sa pagpupulong ng G7 sa Hiroshima, Japan.

Mga protesta