Pinakamababa ang sahod ng mamamayang Moro

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sa buong bansa, pinakamababa ang natatanggap na sahod sa kalakhan ay mga manggagagawang Moro sa Bangsamoro Autonomous Region Muslim Mindanao (BARMM). Sa huling kautusan, nasa ₱306 hanggang ₱341 lamang ang kanilang tinatanggap. Pinakamataas na ang sahod sa Cotabato City, kung saan ₱316 ang tinatanggap ng mga manggagawa sa agrikultura at ₱341 sa industriya at serbisyo. Sa kalakhan, nasa ₱306 lamang ang sahod ng nasa agrikultura habang ₱316 ang sa di-agrikultura.

Matapos ang lahat ng kaltas, nasa ₱227 kada araw o ₱5,550 lamang kada buwan ang maiuuwi ng isang manggagawa. Malayong-malayo ito sa nakabubuhay na sahod sa rehiyon na ₱1,947/araw noong Abril, na pinakamataas sa buong bansa.

Huling nagpatupad ang Department of Labor and Employment ng dagdag-sahod sa rehiyon noong Hulyo 2022 kung saan limos na ₱16 kada araw ang ibinigay sa mga manggagawa. (Ang pinakamataas nang dagdag-sahod sa panahong ito ay ₱50 ang idinagdag sa ibang rehiyon.)

Alinsunod sa estadistika ng estado, 73% ng populasyong 15-edad pataas sa BARMM (3.02 milyon) ang ibinibilang sa pwersa ng paggawa. Malaking bahagi sa sahurang mga manggagawa rito ay nasa komersyal na plantasyon at pangingisda. Mas madalas, tumatanggap sila ng mas mababa pa sa minimum. Sa datos noong Enero, inilagay naman sa mababang 3.2% ang tantos ng disempleyo sa rehiyon habang 10.4% ang tantos ng kulang sa trabaho.

Hindi dama ng mamamayang Moro ang ipinagmalaking 6.61% noong 2022 at 7.5% noong 2021 na paglago sa gross regional domestic product (GRDP).

Labis na pinahihirapan ang mamamayang Moro sa pagsirit ng tantos ng implasyon, laluna ng pagkain. Mas mataas sa pambansang abereyds na implasyon sa pagkain ang tantos nito sa Tawi-tawi, Basilan at Sulu. Nananatiling matataas din ang presyo ng batayang mga serbisyo. Katunayan, ang BARMM ang may pinakamalaking pagbagsak ng kita sa usapin ng tunay na halaga ng sahod sa nakaraang 34 taon.

Mula 1989, bumagsak nang 52% ang tunay na halaga ng sahod sa rehiyon dahil sa taas ng implasyon at bagal ng pagtaas ng isinasabatas. Ayon sa Ibon, mangangailangan ng minimum na dagdag na ₱370 ang sahod ng manggagawang Moro para mabawi ang naagnas na halaga sa kanilang sahod dahil sa implasyon.

Kasunod ng BARMM, pinakamababa ang minimum na sahod ng mga manggagawa sa Region IV-B o Mimaropa (₱329-₱355), Region IX o Zamboanga Peninsula (₱338-₱351) at Region III (₱344-₱460).

Naipapako ng mga kapitalista sa pinakamababa ang minimum na sahod sa BARMM sa pamamagitan ng Wage Rationalization Act. Sa kasalukuyan, mayroong 16 rehiyunal na tripartite board na nagtatakda ng magkakaibang minimum at dagdag na sahod sa bansa. Sa papel, ibinabatay nila ang dagdag-sahod sa cost of living at implasyon. Gayunpaman, palagiang namamayani sa mga ito ang interes ng mga kapitalista (na mayor na boses sa gayong mga board) para ipako ang sahod at panatilihing mala-alipin ang mga manggagawa.

Ginagamit itong ligal na pamamaraan ng mga malalaking multinasyunal at transnasyunal para magpwesto ng kanilang mga pagawaan at negosyo sa mga rehiyong mas mababa ang minimum na sahod para magkamal ng mas malaking kita.

Pinakamababa ang sahod ng mamamayang Moro