Mga pekeng engkwentro ng AFP sa Bicol
HINDI BABABA SA tatlong pekeng engkwentro ang isinagawa ng 9th ID at pulis sa mga prubinsya ng Bicol nitong Mayo para palabasing nagtatagumpay ang rehimeng Marcos sa paggapi sa armadong kilusan sa rehiyon.
Pinakahuli sa mga ito ang pekeng ulat ng engkwentro sa hangganan ng bayan ng Garchitorena at Lagonoy sa Camarines Sur noong unang linggo ng Mayo. Naglabas din ng pekeng balita ng engkwentro sa Masbate at Camarines Norte. Dahil bigo ang militar na itulak ang mga yunit ng hukbong bayan sa rehiyon sa mga mapagpasya at gasgasang labanan, ang sibilyang populasyon ang tinatarget ng teroristang pandarahas ng mga berdugong militar at pulis.
Samantala sa Sorsogon, naglabas noong Mayo 6 ng pekeng balita na “naaresto” si Marlon Macabuhay, isang dating Pulang mandirigma, na sa aktwal ay sumuko noon pang Abril 3. Taliwas sa pangakong “tulong at reintegrasyon,” ikinulong si Macabuhay sa presinto ng Gubat kahit walang kasong nakasampa laban sa kanya.