Malawakang tanggalan sa Wyeth Philippines, nilalabanan

,

Naghain ng Notice of Strike (NOS) ang Wyeth Philippines Progressive Workers Union sa tanggapan ng National Conciliation and Mediation Board 4-A noong Mayo 20. Magwewelga ang mga manggagawa para itulak ang kapitalista ng Wyeth-Nestle na ibalik sa trabaho ang 145 manggagawang tinaggal sa pabrika sa Canlubang, Laguna. Noong Marso pa lumutang ang plano ng kumpanya na tanggalin ang mga manggagawa.

Sa ulat ng unyon, bigla na lamang hindi pinapasok sa trabaho noong Mayo 18 ang 10 upisyal ng unyon kasama ang pangulo nito, 14 na superbisor at isang maneyder at iba pang empleyado ng kumpanya. Idinadahilan ng kapitalista sa malawakang tanggalan ang “pagtitipid, automation at konsolidsyon sa mga linya sa produksyon.”

Hindi nalulugi ang Wyeth-Nestle, katunayan noong 2021 ay umaabot sa mahigit ₱5.8 bilyon ang kita nito at kumubra ng netong kita na mahigit ₱2.7 bilyon ang kumpanya.

Bago nito, magkakasunod na aktibidad ang inilunsad ng mga manggagawa para labanan ang planong tanggalan. Noong Mayo 16, inilunsad ng unyon ang isang programa pagkatapos ng kanilang shift sa labas ng pagawaan. Inilunsad din ng mga mangggaawa mula Mayo 10 hanggang Mayo 12 ang magkakasunod na mga pagpupulong.

Malawakang tanggalan sa Wyeth Philippines, nilalabanan