6, arbitraryong tinaguriang “terorista”


Nagprotesta noong Hulyo 11 sa Commission on Human Rights ang iba’t ibang organisasyon upang kundenahin ang arbitraryong pagtaguring ng Anti-Terrorism Council (ATC) sa anim na indibidwal bilang mga “terorista” sa ilalim ng Anti-Terrorism Law (ATL). Iginiit nilang ibasura na ang mapaniil na batas.
Ang anim ay sina Windel Bolinget, Sarah Abellon-Alikes, Jen Awingan, at Steve Tauli, lahat mga lider ng Cordillera People’s Alliance, at sina Jovencio Tangbawan at May Vargas-Casilao. Isinapubliko ang designasyon noong Hulyo 10.
Kabilang sa nakilalang “Northern Luzon 7” ang apat na lider na ipinawalang sala noong Mayo laban sa gawa-gawang kasong rebelyon na isinampa sa kanila noong Enero.
Sa kautusan ng ATC, inatasan ang Anti-Money Laundering Council na imbestigahan at i-freeze ang salapi at mga ari-arian ng mga inakusahan. Ang anim ay dagdag sa 61 naunang tinaguriang “teroristang indibidwal” sa ilalim ng ATL.