Jollibee, barat at abusado sa mga manggagawa

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagprotesta ang sinisanteng mga manggagawa ng Jollibee Food Corporation sa restawran nito sa Journal Square sa Jersey City, New Jersey, sa US noong Hulyo 6. Tinanggal sila sa trabaho matapos humiling ng $3 na dagdag-sahod at maayos na kalagayan sa paggawa. Bahagi ang kanilang pagkilos ng kampanyang “Justice For Jollibee Workers.

Iginiit ng mga manggagawa ang kagyat na pagbabalik sa kanila sa trabaho, pagbibigay ng sahod sa mga araw na tinanggal sila at paghingi ng kumpanya ng paumanhin sa pang-aabuso nito.

Binatikos nila ang pang-aabuso sa kapangyarihan ng manedyer ng restawran at di makatarungang pagsisante sa kanila. Dalawang linggo matapos ang pagtatanggal, nag-empleyo na rin ang Jollibee Journal Square ng mga pamalit na manggagawa.

Dapat nang ihinto ng Jollibee ang panloloko nito at bigyan ng dignidad ang mga manggagawa, anila.

Isiniwalat ng kampanyang Justice for Jollibee Workers na parehong dinaranas ng mga manggagawa ng Jollibee sa Pilipinas at iba pang bahagi ng mundo. Tumatanggap sila ng mababang sahod, habang labis-labis na pinagtatrabaho at inaabuso. Lagi’t laging kulang ang bilang ng mga manggagawa sa dami ng mga trabaho sa restawran. Ginagawa ito sa kabila ng napakalaking kinikita ng Jollibee Foods Corporation taun-taon.

Noong 2022, nakapagtala ng netong kita ang kumpanya, na pag-aari ni Tony Tan Caktiong, ng ₱7.56 bilyon. Mas mataas ito nang 19.4% kumpara sa netong kita ng kumpanya bago magpandemya. Si Caktiong ay ika-7 sa 10 pinakamayayamang Pilipino sa bansa. Liban sa Jollibee, pag-aari rin ng kumpanya ang Mang Inasal, Chowking, Coffee Bean and Tea Leaf at Smashburger. Mayroon itong 6,480 iba’t ibang klaseng restawran sa buong mundo. Balak nitong magdagdag ng hanggang 600 pang restawran ngayong taon, mas marami sa 542 na binuksan nito noong 2022.

Ang Jollibee ay kabilang sa nangungunang 20 kumpanyang nag-eempleyo ng mga kontraktwal na manggagawa. Mayroon itong 1,150 restawran sa Pilipinas at 234 sa labas ng bansa.

Sa kabila ng lehitimong kampanya ng mga manggagawa, walang-pakundangang tinanggal ng kumpanya ang 400 manggagawang nagkaisa para sa regularisasyon at tahasan pang binalewala ang walang-ngiping mga pahayag ng Department of Labor and Employment.

Jollibee, barat at abusado sa mga manggagawa