Operasyong haras at demolisyon, inilunsad ng BHB

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Magkakasunod na operasyong harasment at demolisyon ang inilunsad ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa nakaraang dalawang linggo.

Sa Barangay Das-agan, San Francisco, Agusan del Sur noong Hunyo 27, pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang nag-ooperasyong tropa ng 41st Division Reconnaissance Company bandang alas-4:30 ng hapon. Isang sundalo ang napatay sa naturang operasyon.

Napalayas naman ng BHB-Sorsogon ang mga sundalong tatlong linggo nang nagkakampo sa evacuation center at kapilya ng Barangay Calpi, Bulan, Sorsogon nang paputukan nito ang mga sundalo noong Hulyo 6 bandang 8:30 ng gabi. Sa takot ay nagsitakbuhan ang mga sundalo at nagsisukob sa kalapit na kabahayan. Ginawa nilang pananggalang ang mga sibilyan at walang habas na nagpaputok sa kung saan-saang direksyon. Nasundan ang operasyong haras na ito ng pagpapasabog ng isa pang yunit ng BHB sa bakod ng kampo ng 22nd IB sa Barangay Calmayon, Juban noong Hulyo 10.

Isang elemento naman ng CAFGU ang napatay nang paputukan ng BHB-North Central Mindanao sa Barangay Lawaan, Gingoog City, Misamis Oriental noong Hulyo 7. Nakumpiska sa kanya ang isang .45 kalibreng baril.

Operasyong haras at demolisyon, inilunsad ng BHB