Pamamayagpag ng militar ng US sa ilalim ng papet na rehimeng Marcos

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishWarayWarayBisaya

Sa harap ng pamamayagpag ng ilanlibong mga tropang Amerikano, dala ang kanilang dambuhalang mga barko de gera, eroplanong pandigma, mga kanyon at samutsaring sandata, tumitingkad lalo ang kawalan ng tunay na kasarinlan ng Pilipinas at mababang pagtrato sa bansa bilang malaking base militar ng US.

Habang nasa Pilipinas, tumatamasa ang mga sundalong Amerikano ng mga karapatang ekstrateritoryal at espesyal na pribilehiyo, kadalasa’y higit pa sa karaniwang mga Pilipino. Ibinigay ito sa kanila sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA) at ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), mga tagibang na kasunduang pabor sa US.

Sa ilalim ng EDCA, binigyan ang US ng malalawak na “pinagkasunduang lokasyon” sa loob ng mga kampo militar ng AFP, para gamiting ekslusibong pasilidad at base militar. Ginagamit ito ng US na daungan, paliparan, imbakan ng krudo, tirahan ng mga tauhan, imbakan ng mga sandata, sasakyan at iba pang kagamitang pandigma. Ipinagagamit ang lupaing ito sa US “nang walang upa o katulad na kabayaran.”

May absolutong kontrol ang militar ng US sa mga lokasyong ito hanggang ang mga ito ay “hindi na kailangan ng United States,” nangangahulugang kahit hanggang kailan nito gusto at kailangang gamitin ang mga lokasyong ito. Walang soberanya o awtoridad ang Pilipinas sa mga base militar at pasilidad ng US. Hindi ito pwedeng pasukin o inspeksyunin liban na lamang sa mga paraang aprubado (o sinang-ayunan) ng US.

Pinagkakalooban din ang US ng karapatang gumamit anumang oras ng pampublikong lupain at pasilidad tulad ng mga daanan, daungan at paliparan, laluna kung naglilipat-lipat o nagpapakat sila ng mga kagamitan. Taliwas sa mga batas ng Pilipinas, ibinigay din sa US ang karapatan na magtatag ng sariling sistema ng telekomunikasyon at gamitin ang “lahat ng kinakailangang spectrum sa radyo” na walang bayad, isang karapatan na wala ang karaniwang mga Pilipino. Dagdag pa, sa ilalim ng EDCA, binigyang pribilehiyo ang US na gumamit ng tubig, kuryente at iba pang yutilidad na katumbas ang singil sa gubyerno ng Pilipinas, na mas mababa sa bayarin ng karaniwang Pilipino.

Hindi inoobliga ng kasunduan ang US na magbayad para sa kahit anong pagkawasak sa kalikasan na maaaring idulot ng pagtatapon ng nakalalason o delikadong mga materyal. Maaalala na noong katapusan ng 1992, iniwan ng US ang Clark Air Base at Subic Naval Base nang hindi nilinis ang kanilang mga basura na lumason sa mga bukal at tubig dagat at mga lamang-dagat.

Habang nasa Pilipinas, ang mga sundalong Amerikano ay tumatamasa ng espesyal na katayuang ligal. Liban kung hihingin, hindi sila saklaw ng mga batas kriminal o sibil ng Pilipinas sa panahong nakatigil sila sa bansa. Sa nagdaang 25 taon, ang mga sundalong Amerikano na nasangkot sa mga kasong kriminal (pagpatay, panggagahasa, pambubugbog, pamamaril at iba pa) ay hindi hinuli, inasunto o pinaharap sa korte, bagkus ay mabilis na pinatatalilis. Kahit sa dalawang tampok na kaso ng Subic Rape Case at pagpatay kay Jennifer Laude, ang mga sundalong Amerikano na napatunayang may sala ay pinalusot at pinauwi sa US.

Ngayong 2023, hindi bababa sa 500 war games—mga ehersisyong militar na paghahanda sa digmaan—ang isasagawa ng US sa Pilipinas. Ibig sabihin, araw-araw sa buong taon, may mga sundalong Amerikano sa Pilipinas para mang-udyok at manulsol ng gera. Kabilang dito ang ehersisyong Balikatan noong Abril, na pinakamalaki sa kasaysayan, kung saan dinumog ng 12,600 tropang Amerikano ang hilagang bahagi ng Luzon para magpakitang-gilas sa China. Kabi-kabila ang pagpapalipad ng mga jet fighter at helikopter ng US, paglalayag sa mga karagatan, pati na ang pagpapalipad ng mga misayl at paghuhulog ng bomba na gumagambala sa kapayapaan at sumisira sa kalikasan. Ginagamit ang mga “magkasanib na ehersisyo” para tiyaking makokontrol nito ang Armed Forces of the Philippines (AFP) (tinatawag ng US na “interoperability”) sakaling sumiklab ang gera. Itinutulak ang “modernisasyon” ng AFP para bumili ng ilampung bilyong pisong sarplas, gamit o pinaglumaang mga sandata ng US.

Habang nangyuyurak at naghahari-harian sa lupa, himpapawid at karagatan, ang malaking presensya ng mga sundalong Amerikano ay pinalalabas na tanda ng “balot-sa-bakal na pagkakaibigan” ng US at Pilipinas. Malaking kabalintunaan ang sinasabing nasa Pilipinas ang US para ipagtanggol sa higanteng China. Ang totoo, sariling interes ang ipinagtatanggol ng US, katulad na sariling interes rin ang dahilang sinaklot at sinakop ang Pilipinas nang kalahating siglo, at ginawang malakolonya simula 1946 na pinaghaharian ng mga sunud-sunurang burukrata.

Ang presensya ng US sa Pilipinas ay bahagi ng estratehiya nito na palibutan ang karibal nitong imperyalistang China at pigilan ang lalong paglago ng kapangyarihan nito sa militar at ekonomya. Tuluy-tuloy na pinalalaki ng US ang pwersang militar nito sa East Asia, Southeast Asia hanggang sa Pacific islands, maging sa India, habang inuudyok at iniipit ang mga alyadong militar (kabilang ang Japan, Australia, hanggang sa United Kingdom) nito na sumanib sa mga operasyong nabal sa South China Sea sa tabing ng “freedom of navigation.” Para sa US at sa estratehiyang heopulitikal at pangmilitar, ang Pilipinas ay isang mahalagang himpilan dahil sa lapit nito sa China. Para naman sa China, ang presensya ng mga pwersang militar ng US sa Pilipinas ay tinitingnan na banta sa kanyang seguridad at tiyak na magiging target ng armadong pag-atake oras na gamitin ng US na lunsaran ng gera laban sa China.

Ang pagbibigay daan sa papalaking presensya sa Pilipinas ay ginamit ng gubyernong Biden ng US na kundisyon para sa pagpapalaki ng pautang, pamumuhunan pati na ayudang militar na desperadong hiningi ng rehimeng Marcos sa dalawang ulit na pagbisita sa US. Kapalit ng tahasang pagsusuko ng teritoryo sa US at pagpahintulot na gamitin ang bansa bilang base militar at lunsaran ng gera ng US, sabay-sabay na inaprubahan ng World Bank nitong Hunyo ang apat na pakete ng pautang na umaabot sa $1.14 bilyon, upang punuan ang labis na kakulangan sa badyet ng rehimeng Marcos. Ginagamit ngayon ang mga pautang para itulak ang mga patakaran sa ekonomya para ibayong palawakin ang interes ng dayuhang mga kapitalista at mga kasosyong burgesyang komprador at panginoong maylupa, sa kapinsalaan ng kabuhayan ng masang anakpawis at mga karaniwang Pilipino.

Sa ilalim ng papet na rehimeng Marcos, lalupang lumulubha ang katayuan ng Pilipinas bilang bansang malakolonya ng US na walang tunay na kalayaan. Ang kontrol at dominasyon ng US sa Pilipinas sa mahigit nang 125 taon ang pinakaugat kung bakit ang bansa ay subsob sa krisis, atrasado, agraryo, hindi industriyalisado at hindi nakatatayo sa sariling paa. Lalong mahigpit ngayong ginagamit ng US ang dominasyon nito sa pulitika, ekonomya, militar at kultura upang isulong ang interes nito sa Pilipinas at sa buong rehiyon ng Asia.

Dapat ipaglaban ng mamamayang Pilipino ang pagbabasura sa EDCA, sa VFA, sa Mutual Defense Treaty at lahat ng iba pang hindi patas na kasunduang militar sa US. Walang tunay na soberanya ang Pilipinas hangga’t kinukubabawan ito ng kapangyarihang militar ng US. Dapat makibaka ang sambayanan upang palayain ang Pilipinas mula sa kontrol ng US at paunlarin ang nagsasariling kakayahan ng bansa na ipagtanggol ang sarili. Matatamo lamang ito kung ang Pilipinas ay mayroong tunay na kasarinlang pang-ekonomya at pampulitika at ganap na pambansang kalayaan.

Pamamayagpag ng militar ng US sa ilalim ng papet na rehimeng Marcos