Tusong pagsabatas sa Maharlika Bill, binatikos

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagtungo sa Mendiola sa harap ng Malacañang ang mga grupo ng kabataan para kundenahin si Ferdinand Marcos Jr sa kanyang tusong pagpirma sa panukalang magbubuo ng Maharlika Investment Fund noong Hulyo 18. Nagsagawa ng hiwalay na protesta ang mga magsasaka sa Quezon City.

Walang isinapublikong kopya ang Malacañang sa pinal na bersyon ng panukala, na ilang linggo pang “inayos” matapos ipinasa ito sa Senado at Kongreso. Hindi ipinaalam maging sa ilang mga kongresista kung ano ang pinal na nilalaman nito.

Isa sa mga kontrobersyal na probisyon ng panukala ang paggamit ng pondong pensyon ng milyun-milyong manggagawa at kawani na nakalagak sa GSIS at SSS. Bagamat tahasan itong ipinagbabawal ng bersyon na ipinasa ng Senado, maaari pa ring maglagak ng pondo ang dalawang institusyon sa MIF sa hinaharap.

Sinabi rin ni Marcos na hindi uupo sa pamunuan ng itatayong Maharlika Investment Corporation (MIC) na mamamahala sa pondo ang ilan niyang mga upisyal. Gayunpaman, naibalita ng mga mamamahayag na tatayong chairperson ng MIC ang kalihim sa pinansya.

Naghahanda ang Bayan Muna at alyansang Tama Na (Taumbayan Ayaw sa Maharlika Fund Network Alliance) na maghain ng petisyon sa Korte Suprema para pigilan ang batas at sagipin ang bilyun-bilyong pondo ng bayan mula sa korapsyon at abuso.

Tusong pagsabatas sa Maharlika Bill, binatikos