Presyo ng langis, muling tumaas

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagprotesta ang mga tsuper noong Hulyo 17, isang linggo bago ang State of the National Address ni Ferdinand Marcos Jr, para kundenahin ang isa na namang serye ng pagtaas ng presyo ng langis. Naganap ang pagtaas sa gitna ng “rebranding” o pagpapanibagong imahe ng rehimen sa ilalim ng islogang “Bagong Pilipinas.”

Simula Hulyo 18, mas mataas na nang ₱2.10 kada litro ang diesel, ₱1.90 ang gasolina at ₱1.80 ang kerosin. Sa dalas ng mga pagtaas, animo’y pangkaraniwan na lamang ang pagsirit nito. Umaabot na sa halos ₱60 kada litro ang presyo ng gasolina at diesel sa Metro Manila, mas mataas nang halos ₱20 kumpara sa presyo ng mga ito sa katapusan ng 2021. Dahil dito, hindi ramdam ng mga tsuper ang sinasabing alwan ng kakarampot na fuel subsidy na ipinatupad ng reaksyunaryong estado.

Samantala, tiba-tiba sa kita ang mga monopolyong kumpanya ng langis. Tumabo ng ₱6.7 bilyong kita ang Petron noong 2022, mula sa ₱6.1 bilyon noong 2021. Tumaas din ang kita ng Shell tungong ₱4.1 bilyon noong 2022, mula sa ₱3.9 bilyon noong 2021. Nakapagbukas naman ng 28 bagong gasolinahan ang Caltex sa buong bansa noong nakaraang taon.

Presyo ng langis, muling tumaas