4 sibilyan, pinaslang ng militar sa Sorsogon, Batangas at Iloilo

,
Ang artikulong ito ay may salin sa IlocoEnglishBisayaHiligaynon

Dalawang sibilyan ang pinaslang ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Disyembre 10 sa Iloilo at Disyembre 17 sa Sorsogon noong nakaraang taon. Samantala, pinatay din ng militar ang dalawang sibilyang bumibisita sa kanilang kaanak na Pulang mandirigma sa Batangas noong Disyembre 17, 2023.

Pinatay ng uhaw sa dugong mga pasista ng 31st Division Reconnaissance Company (DRC) ang may kapansanan sa pag-iisip na sibilyang si Bombik Bajoyo noong Disyembre 10, 2023 sa Sitio Tagbakan 1, Barangay Jayubo, Lambunao, Iloilo. Pinalalabas ng mga pasista na myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Panay si Bajoyo at na napatay siya sa isang engkwentro.

Pinatunayan ng mga residente ng Sityo Jagnaya na sibilyan si Bajoyo at may kapansanan sa pag-iisip. Posible umanong pinatay siya ng mga sundalo nang mapagkamalang Pulang mandirigma. Anim na taon nang nakatira sa Sityo Tagbakan ang biktima, ayon sa mga residente.

Sa Sorsogon, pinaslang ng 31st IB si Joseph Esperanzate sa kanyang bahay sa Purok Iraya, Barangay Union sa bayan ng Gubat, noong Disyembre 17, 2023 bandang alas-4 ng umaga. Dating kasapi ng BHB si Esperanzate ngunit matagal nang umalis sa hukbo at namuhay bilang sibilyan. Mula 2019, paulit-ulit siyang pinipilit ng militar na pumaloob sa E-CLIP ngunit tumanggi siya at sinabing gusto niyang mamuhay nang tahimik.

Sa Batangas, napatay ng 59th IB ang mga sibilyang sina Pretty Sheine Anacta, 19, at si Rose Jane Agda, 30, sa walang habas na pamamaril nito sa Barangay Malalay, Balayan, Batangas noong Disyembre 17, 2023 nang madaling araw. Dumadalaw ang dalawa sa kanilang kaanak na Pulang mandirigma ng BHB nang paslangin.

Ayon sa nakalap na ulat ng BHB, hinimatay si Pretty Sheine sa unang bugso ng pamumutok ng mga pasistang tropa, bago siya tuluyang pinatay ng militar. Kasuklam-suklam naman ang sitwasyon ni Rose Jane nang makita ang bangkay niya sa punerarya kung saan nakababa ang pantalon nito, palatandaang pinagsamantalahan siya.

Samantala, dinakip at hanggang ngayon ay hindi pa inililitaw ng militar ang nasugatang mandirigma na si Baby Jane Orbe (Ka Binhi). Wala siya sa katayuang lumaban. Sang-ayon sa mga panuntunan ng internasyunal na makataong batas, dapat kilalanin ang kanyang mga karapatan ng katunggaling armadong pwersa. Namartir din ang limang Pulang mandirigma sa naturang pag-atake.

Pagdukot. Dinukot ng tropa ng 62nd IB ang kabataang masasaka na si Allan Paul Rayna mula sa bahay ng kanyang pamilya noong Disyembre 23, 2023 sa Sityo Tayubong, Barangay Puso, La Castellana, Negros Occidental. Hindi pa siya natatagpuan hanggang sa kasalukuyan. Labis ang pag-aalala ng pamilya Rayna sa kalagayan ng kanilang kaanak.

Pagpapalayas. Hanggang Enero 6 na lamang ang taning ng Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) sa may 200 pamilyang residente ng Narra Dormitory sa Barangay Maligaya, Mariveles, Bataan para umalis. Pinalalayas ang mga residente dahil sasaklawin ng pagpapalawak ng FAB ang naturang lugar.

4 sibilyan, pinaslang ng militar sa Sorsogon, Batangas at Iloilo