Tuluy-tuloy na protesta kontra PUV phaseout, ikakasa ngayong Enero

,
Ang artikulong ito ay may salin sa IlocoEnglishBisayaHiligaynon

Magtutuluy-tuloy ang protesta at sama-samang pagkilos ng mga tsuper at opereytor ng dyip kontra sa sapilitang konsolidasyon ng prangkisa at pagpapatupad ng huwad na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa pagbubukas ng taong 2024. Ito ang kanilang tugon sa pagkikibit-balikat ni Ferdinand Marcos Jr sa hinaing ng mga tsuper at opereytor. Ayon sa Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston), patunay ang kawalang-aksyon ni Marcos na “palpak, pahirap, at tuta” ang kanyang rehimen.

Noong Disyembre 2023, ipinamalas ng Piston at Samahang Manibela Mananakay at Nagka-Isang Terminal ng Transportasyon (Manibela) ang kanilang pagtutol sa PUVMP sa sunud-sunod na tigil-pasada at malawakang protesta sa bansa, pangunahin sa Metro Manila. Tinatayang humigit-kumulang 4,000 ang lumahok sa protesta ng dalawang grupo sa Mendiola sa Maynila noong Disyembre 29, 2023. Higit 330 dyip ang dala-dala ng mga tsuper sa protesta. Lumahok sa protesta sa Maynila ang mga tsuper at opereytor ng Starter-Piston at Manibela mula sa Southern Tagalog.

Sa ibang bahagi ng bansa, nagkaisa din sa mga pagkilos at kampuhan ang mga tsuper at opereytor kontra sa pagmasaker sa kanilang kabuhayan. Sa Bacolod City, umabot sa 2,000 ang lumahok sa martsa-protesta at tigil-pasada sa syudad noong Disyembre 29, 2023. Nagmartsa sila tungo sa munisipyo para singilin ang lokal na gubyerno sa pananagutan nito sa pagpapatupad ng PUV phaseout.

Sa Davao City, nagtigil-pasada ang Transmision-Piston noong Disyembre 27, 2023. Tinatayang naparalisa ng grupo ang 70% ng lahat ng ruta ng dyip sa syudad. Sa Cebu City, nagkampuhan ang mga kasapi ng Piston-Cebu sa upisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 7 noong Disyembre 28, 2023 hanggang Disyembre 29, 2023. Sa Iloilo City, nagtigil-pasada at nagkampuhan ang mga tsuper at opereytor sa upisina ng LTFRB Region 6 noong Disyembre 27, 2023 hanggang Disyembre 28, 2023.

Naniniwala ang Piston na tanging sa kanilang papalakas na pwersa at tuluy-tuloy na sama-samang pagkilos ngayong 2024 malalabanan ang pakanang PUVMP ng rehimen na magmamasaker sa kanilang kabuhayan.

Samantala, inatasan noong Disyembre 28, 2023 ng Korte Suprema ang Department of Transportation (DOTr) at ang LTFRB na magkomento sa petisyong inihain ng Piston kontra sa pagpapatupad ng sapilitang konsolidasyon ng prangkisa at PUVMP. Binigyan ang dalawang ahensya nang hanggang 10 araw para magkomento.

Tuluy-tuloy na protesta kontra PUV phaseout, ikakasa ngayong Enero