Editoryal

Isulong at lubusin ang kilusang pagwawasto!

, ,

Malugod na sinalubong ng mga kadre at komite ng Partido sa buong bansa ang panawagan ng Komite Sentral noong ika-55 anibersaryo na isulong at lubusin ang kilusang pagwawasto upang mapalakas ang Partido sa pamumuno nito sa sambayanang Pilipino sa paglaban sa rehimeng US-Marcos at pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Napuspos ng bagong rebolusyonaryong enerhiya at determinasyon ang mga kadre, aktibistang masa at mga mandirigma. Napukaw sila ng pagsusuri ng Komite Sentral sa kasalukuyang sitwasyon at sa kritikal-sa-sariling pagtatasa nito sa naging takbo ng rebolusyonaryong kilusan sa nagdaang mga taon. Buo ang kanilang kapasyahang ituwid ang mga naging pagkakamali, kahinaan at pagkukulang, at palakasin ang Partido at rebolusyong Pilipino.

Sininagan ng Partido at Komite Sentral ang landas tungo sa panibagong pagpapalakas at pagsusulong ng rebolusyon sa darating na panahon. Iwinaksi nito ang burges at petiburges na mga kaisipan at moda ng pag-iisip sa loob ng Partido. Sanhi ang mga ito ng mga Kanan at “Kaliwang” mga pagkakamali, kahinaan at oportunistang tendensya na naging sagabal sa pagsulong ng rebolusyon sa nagdaang mga taon. Ang mga pagkakamaling ito ay humantong sa mga kabiguan at pag-atras sa larangan ng armadong pakikibaka, pati na sa larangan ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran at kanayunan.

Ang kilusang pagwawasto, sa pangunahin, ay isang kilusang pag-aaral sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at sa mga batayang prinsipyo ng Partido. Layunin nitong ibayong patatagin ang Partido sa ideolohiya bilang matatag na salalayan para sa pagpatupad nito ng mga tungkulin sa iba’t ibang larangan ng rebolusyonaryong gawain.

Determinado ang mga kadre ng Partido na magbasa at makipagtalakayan bilang paraan ng pagbabalik-aral sa mga batayang rebolusyonaryong mga prinsipyo. Buo ang kanilang kapasyahan na hasain ang kanilang proletaryong pag-iisip upang matalas na suriin ang kanilang mga karanasan, magpuna sa sarili at bumuo ng wastong plano sa pagsulong.

Ang mga akda ng pumanaw na tagapangulong tagapagtatag ng Partido na si Kasamang Jose Maria Sison, gayundin ang mga klasikong sulatin ng mga dakilang gurong komunista na sina Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao ay masugid na binabalik-aralan ng mga kadre at rebolusyonaryong pwersa. Layunin nilang itaas ang kanilang kaalaman sa teorya upang magsilbing gabay sa pag-aaral sa mga praktikal o pang-araw-araw na usapin ng pagsusulong ng armadong pakikibaka at rebolusyonaryong kilusang masa.

Sa balangkas ng kilusang pagwawasto, isang kilusan sa panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri ang inilunsad ng Komite Sentral sa simula ng taon at isinasagawa sa lahat ng antas ng Partido sa kanayunan at kalunsuran—mula sa pambansang pamunuan hanggang sa batayang mga sangay. Pinakikilos ng Komite Sentral ang mga kadre at aktibista para alamin at iulat ang kongkretong kalagayan ng masa sa kani-kanilang saklaw upang mapalalim ang gagap sa lalong lumulubhang pagkabulok ng malakolonyal at malapyudal na sistema. Partikular na layunin ng kilusang ito ang tukuyin ang tampok na mga suliranin at isyu ng masa bilang batayan ng pagbubuo ng plano para buklurin at pakilusin sila sa mga pakikibaka para ipaglaban ang kanilang kabuhayan at demokratikong mga karapatan.

Ang mapagkumbabang pagpuna-sa-sarili ng Partido at paglulunsad ng kilusang pagwawasto ay tanda ng diyalektiko at istoriko materyalistang paninindigan na tatak ng partido komunistang tapat sa interes ng proletaryado at lahat ng uring api at pinagsasamantalahan. Sa ganitong paraan, tiwala ang Partido na muling mapasisigla ang pagsusulong ng rebolusyon, mababawi ang mga nawala at madadala ang rebolusyonaryong pakikibaka sa panibagong yugto ng pagsulong.

Sa partikular, nakikita ng Partido na sa pamamagitan ng kilusang pagwawasto ay maisusulong ang rebolusyonaryong kilusan sa lahatang-panig na paraan. Dapat panghawakan at komprehensibong isulong ng Partido ang pagsusulong ng matagalang digmang bayan sa pamamagitan ng masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan na papalawak at papalalim na baseng masa, o sa ibang salita, komprehensibo at magkaka-ugnay na pagsusulong ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagbabalakas ng organisadong baseng masa.

Ang pagsusulong ng armadong pakikibaka ay isinusulong kaakibat ng pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran at sa kanayunan, pagpapalakas ng antipasista, anti-imperyalista at antipyudal na kilusan laban sa naghaharing pahirap, papet at pasistang rehimeng US-Marcos, pagpapalapad ng nagkakaisang prente, at pagpapahigpit ng pakikipagkapatiran sa internasyunal na kilusang anti-imperyalista at pandaigdigang kilusan ng uring proletaryo.

Tinatanaw ng Partido na sa gabay ng kilusang pagwawasto, makakamit ang malalaking pagsulong sa mga darating na taon. Sa ngayon, puspusang kumikilos ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan para humulagpos sa malakihang mga focused military operation ng kaaway. Buo ang kapasyahan ng BHB na ibayong palawakin ang saklaw ng mga larangang gerilya nito at palaparin ang baseng masa, habang puspusang nilalabanan kasama ng masang magsasaka ang hibang at hayok-sa-dugong armadong panunupil ng AFP.

Sa harap ng sumisidhing pagdurusa sa kanayunan, tinatanaw ng Partido ang pagpapakilos sa daan-daan libo hanggang milyun-milyong magsasaka at masang minorya sa buong bansa laban sa papalalang mga anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala, at laban sa pang-aagaw ng lupa at agresibong pagpasok ng mga operasyon sa pagmimina, plantasyon, mga proyektong pang-imprastruktura, ekoturismo at iba pang dumadambong sa yaman at kalikasan.

Sa harap ng sumisidhing pagdurusa sa kalunsuran, tinatanaw ng Partido ang ibayong paglakas ng mga pakikibakang masang pang-ekonomya at pampulitika ng iba’t ibang demokratikong sektor laban sa mga patakarang makadayuhan at pahirap ng rehimeng US-Marcos. Ang paglakas ng rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran ay tuwirang magsisilbi sa pagpapalawak ng suporta at maramihang pag-anib ng mga manggagawa, malamanggagawa, mga kabataang estudyante, guro at iba pang intelektwal sa BHB.

Ang paglulunsad ng Partido ng una at ikalawang dakilang kilusang pagwawasto ay kapwa mahahalagang yugto sa kasaysayan ng Partido na kapwa pumihit sa rebolusyong Pilipino patungo sa landas ng panibagong pagsulong. Ang kasalukuyang kilusang pagwawasto na ubos-kaya at puspusang isinusulong ng mga kadre at mandirigma—tulad ng una at ikalawa—ay tiyak na magkakaroon ng pangkasaysayang kabuluhan na magdadala sa demokratikong rebolusyong bayan sa bagong antas ng pagsulong.

Isulong at lubusin ang kilusang pagwawasto!