Kambal-delubyo sa mamamayan ang mga proyektong dam sa Ilocos Norte

,

Nagbabadyang kambal-delubyo ang idudulot ng Cabacanan Small Reservoir Irrigation Project (CSRIP) at Ilocos Norte-Ilocos Sur-Abra Irrigation Project (INISAIP), na minamadaling itayo sa maagang bahagi ng 2024 sa Ilocos Norte. Hungkag ang ibinabandila ng National Irrigation Administration (NIA) na makikinabang ang masang magsasaka at pambansang minorya sa prubinsya at katabing mga lugar. Sa halip, kinakaharap nila ang pang-aagaw ng kanilang mga lupa at dislokasyon, gayundin ang panganib ng pagkasira ng kalikasan at malawakang pagbaha.

Sa tulak ng mga imperyalistang institusyon at kasosyo ang mga dayuhang kumpanya, isinasagasa ng rehimeng US-Marcos ang mga proyektong “pangkaunlaran” tulad ng CSRIP at INISAIP. Ang parehong proyekto ay unang lumutang noon pang panahon ng kanyang amang diktador. Sa kasalukuyan, ginagamit ni Marcos bilang dahilan ang El Niño at ang posibilidad ng malawakang tagtuyot.

Cabacanan Dam

Malaki ang pangamba ng mamamayang Isnag-Yapayao sa perwisyong idudulot ng CSRIP sa kabundukan ng Barangay Saguigui, Pagudpud. Itatayo ang proyekto sa kanilang lupang ninuno na saklaw ng “disputed area” sa pagitan ng tribung Isnag-Yapayao ng Barangay Dampig at Caunayan at ng mga nagpapanggap na katutubo ng barangay Saguigui.

Bahagi ng ₱837-milyong proyektong CSRIP ang Cabacanan dam, 95.10 metro ang taas mula pundasyon at 248 metro ang lapad ng base, na mag-iimbak ng 2.87 milyong metro kubiko ng tubig. Ayon sa mga katutubo, kung magpapakawala ang dam ng tubig sa spillway na may sukat 9.88 metro kwadrado o kasinglawak ng four-lane na kalsada, babahain at posibleng buburahin nito ang mga barangay sa ibaba ng itatayong dam. Malapit din ito sa Bangui at Vigan-Aggao fault line na bumabaybay sa Pagudpud kung kaya’t bulnerable ito sa lindol.

Nagpahayag na ng matinding pagtutol ang Isnag Yapayao Balangon Tribal Council Inc (IYBTC) at Isnag Yapayao Ugayam Tribal Council (IYUTC) mula sa Barangay Dampig at Caunayan sa naturang proyekto. Samantala, para isagasa ang proyekto, ginagamit ng NIA si Emilio Rabago na umaangkin sa lupang ninuno at nagpapakilalang “tribal chieftain” sa Barangay Saguigui.

Kinundena ng mga grupo ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP)-Ilocos Norte sa kanilang panlilinlang, at pagmamadali sa proseso ng pagkuha ng free, prior and informed consent (FPIC) para sa CSRIP. “Ang ganitong presyur sa pambansang minorya ay tumatapak sa aming karapatan para sa sariling pagpapasya,” ayon sa kanila.

Hindi lubusan at hindi matapat na ipinaliwanang ng NIA kung ano ang layunin ng proyekto at lahat ng detalye nito, anila. Itinago nito na ang CSRIP ay proyekto ng isang kumpanyang Japanese na pang-hydropower at panturismo. Binalewala ng NCIP at NIA ang isinumiteng resolusyon ng IYBTC at IYUTC na ikansela ang FPIC upang bigyang-daan ang pagresolba sa mga “dispute.”

Kabi-kabilang panggigipit ang kinaharap ng mga lider-Isnag-Yapayao dahil sa kanilang pagtutol. Naitala nila ang mga kaso ng “pagbisita” at “pagkausap” ng mga pulis na sa aktwal ay porma ng intimidasyon sa mga lider-Isnag-Yapayao simula pa Disyembre 18, 2023. Pinuna umano ng mga pulis ang pahayag ng mga Isnag-Yapayao dahil ginagamit at “sinasakyan ito ng mga makakaliwang grupo.”

Higanteng dam ng INISAIP

Sasaklawin naman ng INISAIP ang 14,672 ektarya ng lupa sa siyam na bayan ng Ilocos Norte, isa sa Ilocos Sur at dalawa sa Abra para sa konstruksyon ng iba’t ibang mga imprastruktura kabilang ang isang higanteng dam. Popondohan ang ₱25.7 bilyong prokeyto sa pamamagitan ng Private-Public Partnership. Kasosyo ng NIA sa proyekto ang BPE Corp. at China Railway Construction Corp. Ltd.

Pangunahing bahagi ng proyekto ang 126.41 metrong taas na dam na itatayo nito sa Palsiguan River sa Lagayan, Abra. Tinatayang aabot sa 147 milyong metro kubiko ang kapasidad nito. Magtatayo ng mga tunnel para rito mula Abra tungong Nueva Era, Ilocos Norte na may habang 9.1 kilometro, na tatagos sa kabundukan at sisira sa kalikasan. Magtatayo rin ng isa pang dam na paglalagakan ng tubig mula sa Abra.

Sa ulat ng NIA, sinimulan na ang pagtatayo ng mga daan tungong Palsiguan River para sa pagpapabilis ng transportasyon para sa konstruksyon.

Sino ang makikinabang?

Malinaw sa mga minoryang mamamayan at masang magsasaka sa prubinsya ng Ilocos Norte na hindi pagtulong sa kanila ang layunin ng naturang mga proyekto. Anila, “Sa halip na para sa hydropower dam, nararapat na gamitin na lamang ang [bilyun-bilyon] sa pag-aayos ng mga nasirang irigasyon at pagpapaunlad sa mga ito.”

Puro imprastrukturang walang pakinabang sa kanila ang itinatayo ng gubyerno, ayon sa mga Isnag-Yapayao. Katulad ng mga proyektong windmill at solar farms na itinayo sa Ilocos Norte. Anila, “Sinakop ng mga [windmill at solar farm] ang mahigit 3,000 ektarya sa aming lupang ninuno…hindi naman ito nagsisilbi sa masa ng aming probinsya at sa halip ay pinagkakakitaan lamang ng malalaking negosyante.”

Kabilang dito ang kasalukuyang ekspansyon ng mga windmill ng kumpanyang North Luzon Renewable Energy Corp. sa Pagudpud na nangangamkam ng 1000 ektaryang lupang ninuno ng Isnag-Yapayao. Inilalatag din ang Ilocos Norte Solar and Wind Power Plant sa Burgos, Bangui, Pasuquin at Vintar na sumasaklaw sa 2,346 ektaryang kabundukan at kapatagan kung saan libu-libong minorya at magsasaka ang nabubuhay.

Sa Ilocos Norte, at maging sa iba pang bahagi ng bansa, laganap ang kalakaran ng NCIP na dayain ang pagkuha ng FPIC para mang-agaw ng lupa. Lantaran itong pagyurak sa integridad ng mga katutubo.

Kambal-delubyo sa mamamayan ang mga proyektong dam sa Ilocos Norte