Bangayang US-China at ang lumalalim na sigalot sa hanay ng naghaharing uri

,

Sa isang panayam noong Disyembre 2023, umalma si Teresita Sy-Coson, vice-chairperson ng SM Investment Corporation, sa aniya’y “antagonistikong pakikitungo” ng gubyernong Marcos Jr sa China. Tinutukoy niya ang sunud-sunod na hayagang pagpuna ng mga upisyal ng rehimen sa mga kiskisan sa pagitan ng mga barkong militar ng Pilipinas at coast guard ng China sa huling mga buwan ng 2023. Sa tulak ng US, pinasinsin ng AFP ang mga “supply mission” para sa nabahurang barkong BSP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Arogante at agresibo itong hinaharap ng armadong pwersa ng China.

Ang mga kumprontasyong ito, na sinabayan ng mga pagpapalipad ng US ng mga jet fighter at armadong drone, ay nagpalaki sa posibilidad ng pagsiklab ng armadong engkwentro sa karagatan. Tulad ng China, nagmamantine ng palagian, at kung tutuusin ay mas malaki, na pwersang militar ang US hindi lamang sa South China Sea, kundi sa loob mismo ng Pilipinas.

Si Sy ang unang malaking burges-kumprador na hayagang nagpahayag ng disgusto laban sa “agresibong pakikitungo” ng rehimeng Marcos sa China. Klaro niyang ipinahiwatig ang negatibong implikasyon sa lokal na mga negosyo at pamumuhunang nakatali sa kapital na Chinese. “Napakalapit ng China sa atin, hindi tayo pwedeng maging sobrang antagonistiko,” pahayag ni Sy sa isang artikulo ng magasing Bloomberg na inilathala noong Disyembre 14, 2023. “Ayaw nating madawit sa tensyong US-China,” aniya.

Isa ang pamilyang Sy sa lubos na nakinabangan sa pagpasok ng sarplas na kapital ng China sa Pilipinas na hinikayat ng US simula dekada 1990. Sa ngalan ng “globalisasyon” at “malayang kalakalan,” nagsabwatan ang US at China na buksan ang merkado ng Pilipinas at iba pang atrasadong bansa para itambak sa mga merkado nito ang kanilang mga sarplas na kapital at produkto. Gayunpaman, hindi nito napigilan ang pagsambulat ng likas na kumpetisyon sa anyo ng gera sa kalakalan sa pagitan ng US at ng umuusbong na imperyalistang kapangyarihan ng China.

Ayon sa Komite Sentral ng PKP sa pahayag nito noong Disyembre 26, 2013, “ang tulak ng US na bagbagin ang China ay pag-atras mula sa matagal na panahon ng sabwatan ng dalawang imperyalistang kapangyarihan sa pagpapataw ng mga patakarang neoliberal sa Pilipinas mula dekada 1990.”

Mula 2000, taunang lumaki nang 42% ang halaga ng inaangkat ng Pilipinas sa China. Noong 2016, nalagpasan nito ang Japan bilang pinakamalaking kalakalan ng bansa. Sa ngayon, ito ang pinakamalaking pinagkukunan ng mga imported na materyal at produkto ng Pilipinas, at pangalawang pinakamalaking merkado ng mga eksport nito. Isa sa produktong ito ang repinadong langis, na susi sa pagpapatakbo ng lokal na ekonomya.

Gayunpaman, mas maliit ang kinayang itambak ng China na kapital sa anyo ng direktang dayuhang pamumuhunan (foreign direct investment o FDI) kumpara sa US. (Tingnan ang talaan). Pero unti-unti itong lumaki at noong 2022, nasa $1.11 bilyon na ang inilagak na FDI ng China sa Pilipinas. May mga pag-aaral ring nagtatayang umabot na sa P $2.5 trilyon ang FDI ng China mula 1990 hanggang 2015.

Base ng China sa burgesya at burukrata

Ayon pa sa KS, “nagamit ng oligarkiya sa pinansya ng China ang panahong ito para palawakin ang operasyong komersyal at pampinansya sa Pilipinas, kasama ng mga bangkong US at Japanese, at magpundar ng sarili nitong base sa hanay ng mga burgesyang kumprador at burukratang kapitalista.”

Agresibong nagpalawak ng impluwensya ang China sa bansa sa panahon ng rehimeng Arroyo. Mula 2001-2010, pinasok nito ang 15 bilateral na kasunduan at 20 malalaking proyekto. Naudlot ang maraming mga kontratang ito dahil sa pagkalantad ng matitinding korapsyon at anomalya ng mga sangkot dito. Nabuo sa panahong ito ang sosyohan ng China at ni Enrique Razon para kontrolin ang National Grid Corporation of the Philippines. Kalaunan, ibinenta ni Razon ang kanyang bahagi sa kumpanya sa pamilyang Sy at Cojuito, na silang kasosyo ng China ngayon.

Nagpatuloy ang mga sosyohan ng pinakamalalaking burgesyang Pilipino at mga kumpanyang Chinese sa ilalim ni Benigno Aquino III. Tulad ng gamit ng US sa iba’t ibang koponan ng mga negosyo, pinadaloy ng China ang puhunan nito sa Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. Binigyan din ng China ng kapital at mga kontrata ang naturang mga negosyante, na tinaguriang mga Pilipinong “taipan,” para magpalawak ng mga negosyo sa Beijing, Shanghai at iba pang malalaking syudad nito.

Pinakalitaw ang sosyohan ng mga Pilipinong burgesya at burukrata at ng China sa panahon ni Rodrigo Duterte. Kaliwa’t kanang kontrata ang pinasok ng kanyang mga kroni, kabilang ang mga negosyanteng nakabase sa Davao. Pinakaprominente sa mga kroning ito si Dennis Uy, na nakipagsosyo sa China sa tangkang magtayo ng imprastruktura para sa telekomunikasyon at lumamon ng maraming kumpanya sa maiksing panahon. Litaw ding nakinabang sa mga kontrata si Razon, pamilyang Gatchalian at marami pang iba.

Kahit sa panahon ng rehimeng US-Marcos, tuloy ang paghahabol ng lokal na burgesya sa kapital na Chinese. Noong Enero 2023, pumunta ng China si Ferdinand Marcos Jr, kung saan lumagda siya sa 15 bilateral na kasunduan sa pagitan ng kanyang gubyerno at gubyernong Chinese. Noong Pebrero 2023, niratipikahan ng Senado ang pagpasok ng bansa sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), na inisyatiba ng China. Instrumento ang RCEP para sa walang sagkang pagtatambak ng China ng sarplas nitong mga produkto sa mga merkado ng mga bansa sa Asia sa kapinsalaan ng lokal na mga negosyo at prodyuser.

Subalit tila nagbago ang ihip ng hangin nitong nagdaang mga buwan nang kinansela ng gubyernong Marcos ang mga utang at kontrata ng gubyerno para sa malalaking proyektong imprastruktura tulad ng mga dam, sistema ng riles at iba pa na popondohan dapat ng China. Kabilang sa mga kinansela ang mga proyektong Philippine National Railways South Long Haul, Subic-Clark Railway at Mindanao Railway.

Nasa proseso ngayon ang rehimen sa paglilipat ng kontrata para sa pondo sa ADB, World Bank (na orihinal na proponent sa ilan sa mga proyekto) at iba pang kaalyado ng US. Pinakansela rin ng US ang mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay na malapit sa embahada nito sa Roxas Boulevard.

Nagbubunsod ang mga hakbang na ito ng panibagong bangayan sa hanay ng mga burgesya at burukrata na nag-aagawan sa kapakipakinabang na mga kontrata.

Bangayang US-China at ang lumalalim na sigalot sa hanay ng naghaharing uri