Papet na AFP, tiba-tiba pa rin sa ilalim ng rehimeng Marcos
Isiningit ni Ferdinand Marcos Jr, kasama ang kanyang mga kasapakat sa Kongreso at Senado, ang ₱6.17 bilyon sa badyet ng Department of National Defense sa ipinasa at pinirmahan niyang pambansang badyet para sa 2024 noong Disyembre 20, 2023.
Liban sa DND, dinagdagan din ni Marcos ang badyet ng Philippine Coast Guard nang ₱2.8 billion at ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) nang ₱1 bilyon. (Ang dagdag na badyet sa NICA ay halos doble sa orihinal na badyet nitong ₱1.432 bilyon.)
Sa antas-Kongreso at Senado pa lamang, itinaas na ang badyet sa depensa nang 21.6% mula ₱203.4 bilyon noong 2023 tungong ₱282.7 bilyon ngayong taon. Dagdag pa dito ang ₱1.5 bilyong confidential at intelligence fund para diumano sa mga operasyon nito sa West Philippine Sea. Kung bubuuin, pinakamataas ngayon ang inalaang pondo sa DND at iba pang ahensyang panseguridad mula 2017. Katumbas ito ng mahigit 1.25% ng GDP, pinakamataas naman sa nakaraang 15 taon.
Sinasabi nina Martin Romualdez at Juan Miguel Zubiri, mga pinuno ng Kongreso at Senado, na ang dagdag na pondo ay para sa “pagharap sa banta” ng China sa West Philippine Sea. Sinasabi naman ni DND Secretary Gilbert Teodoro na para ito sa “matindi at seryosong pagkukumpuni” ng mga pasilidad at gamit ng militar ng AFP. Nagsisilbi ang parehong layunin sa tunguhin ng US na palakasin ang panunulsol nito ng gera sa South China Sea at sa paglalatag ng lambat ng sarili nitong mga base at pasilidad militar sa loob ng mga kampo ng AFP, lahat gamit ang pera ng mamamayang Piliipino.
Dinagdagan ang pondong militar sa gitna ng umuugong na banta ng destabilisasyon mula sa hanay ng retiradong heneral na hawak ng pangkating Duterte. Malaking bahagi pa ng mga upisyal militar ang pumapanig sa pangkatin, kahit pa retirado na ang marami sa mga pinaborang heneral nito. Bundat na bundat ang sundalo, pati mga pulis, sa ilalim ni Duterte. Dinoble ang kanilang mga sweldo at sangkatutak ang ibinigay sa kanila na mga benepisyo. Daan-daang milyong piso ang iginantimpala sa mga heneral, kumander at sundalo sa kanilang mga pagpatay, karamihan ng mga sibilyan. Nagbuhos ang pangkating Duterte ng makukurakot na pondo sa anyo ng Support to Barangay Development Program ng NTF-Elcac. Sa loob ng anim na taon, bilyun-bilyong piso ang inilaan ng pangkatin para bumili ng mga pinaglumaang jet fighter, barko, drone, kanyon at samutsaring sarplas na gamit militar mula sa US at mga alyado nitong bansa, tulad ng Israel.
Sa kaibuturan, walang iba ang “modernisasyon” ng AFP kundi ang pagbebenta at pagtatambak ng US ng sarplas at karamiha’y lumang mga gamit nito para armasan ang papet nitong hukbo. Nakatuon halos lahat ng biniling armas sa “paggapi” sa rebolusyonaryong armadong kilusan at hindi sa “eksternal na banta,” tulad ng paulit-ulit na deklarasyon ng AFP. Magkatuwang na interes ng US at AFP na gapiin ang rebolusyonaryong kilusan dahil banta ito sa hegemonya nito sa Asia dahil sa natatanging lokasyon ng Pilipinas sa rehiyon. Sa kagyat, pinalalakas ng US ang kampanya ng AFP na “durugin” ang Bagong Hukbong Bayan dahil nais nitong buong gamitin ng papet na hukbo sa panunulsol ng gera sa China.
Katulad ni Duterte, ginagamit ni Marcos ang malaking pondo sa “modernisasyon” para konsolidahin ang kontrol niya sa mersenaryong militar at bilhin ang katapatan ng mga paksyong hawak ng kalaban niyang pangkatin.
Sa tabing ng “seguridad” at confidentiality, ligtas ang “modernisasyon” ng AFP sa maraming proseso na itinakda sa Procurement Law. Lusot ito sa public bidding, para sadyang ilihim sa publiko ang proseso ng pagbili ng mga armas. Sa gayon, madaling manipulahin ng mga upisyal militar ang mayor na mga kontrata at ang nakakabit na mga kontrata sa serbisyo at pyesa.
Pinakamalalaking pinaggastusan ng AFP ang pagbili ng mga jet fighter, drone, helikopter at kanyon para ilunsad ang kampanya ng walang patumanggang pambobomba at panganganyon. Umarangkada ang kampanyang ito sa ilalim ng rehimeng Duterte at nagdulot ng matinding pinsala sa mga sibilyang komunidad at kagubatan.