Labis-labis na pwersa sa aerial bombing sa Bukidnon, kinundena

,

Mariing kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang “disproportionate use of force” o labis-labis na paggamit ng pwersa ng militar laban sa mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa Bukidnon noong huling linggo ng Disyembre. Labag ito sa internasyunal na makataong batas, na gumagabay sa kondukta ng modernong pakikidigma.

Naghulog ng apat na bomba ang Tactical Air Wing ng 4th ID sa isang temporaryong kampo ng Barangay Can-ayan, Malaybalay City noong Disyembre 25, 2023. Dalawang araw matapos nito, muli itong nambomba sa Sityo Bagong Lipunan, Barangay Linabo sa bayan ng Quezon. Labis-labis at walang patumangga ang paghuhulog ng ilang 250-libras na bomba, na naghasik ng teror sa mamamayan ng Bukidnon.

Napaslang sa pambobomba sa Malaybalay City ang 10 indibidwal na nasa kampo noon ng BHB. Sa ulat, nagkalasug-lasog ang katawan ng mga tinamaan dahil sa labis-labis na lakas ng mga bombang ginamit ng AFP. Gumamit din ang AFP ng mga kanyong ATMOS 2000 na binili pa ng AFP sa Israel.

Ang paggamit ng malalakas na bomba ay “likas na indiscriminate” o walang pinipili, nagsasapanganib sa buhay at kabuhayan ng mga sibilyan at nagdudulot na malawak na pagkawasak sa kapaligiran. Sa katotohanan, lagpas sa ground zero ang epekto ng pambobomba ng AFP mula sa ere. Winasak nito ang kapayapaan, nagdulot ng malawak na takot, panic at troma sa mga residente sa kalapit na mga komunidad at winawasak ang kagubatan na pinagkukunan nila ng pagkain at kabuhayan.

Isinagawa ng AFP ang pang-aatake sa gitna ng tradisyunal na pagdiriwang ng kapaskuhan at dalawang araw na unilateral na tigil-putukan ng PKP na sumaklaw mula Disyembre 25, 2023 hanggang Disyembre 26, 2023 ng gabi.

Labis-labis na pwersa sa aerial bombing sa Bukidnon, kinundena