Mga protesta

,

 

Ayuda at suporta sa mga apektado ng El Niño, ibigay! Nagpiket ang mga grupo ng magbubukid at mangingisda sa upisina ng National Food Authority (NFA) at Department of Agriculture (DA) sa Quezon City noong April 3. Binatikos nila ang dalawang ahensya ng rehimeng Marcos sa kapabayaan at kainutilan nito na ayudahan ang mga magbubukid at mangingisda na labis na apektado ng mga salanta ng El Niño.

Kumpanyang Boskalis, pinananagot sa pinsala sa Manila Bay. Nagprotesta sa harap ng embahada ng The Netherlands sa Maynila noong Marso 22 ang mga grupong maka-kalikasan, syentista, mangingisda at mga residente sa mga baybay ng Manila Bay para singilin ang Boskalis Westminster NV, isang kumpanyang Dutch, sa idinulot nitong pinsala dahil sa dredging para sa proyektong reklamasyon noong 2021-2023. Ang dredging na ito ay paghahanda para sa pagtatayo ng proyekto ng San Miguel Corporation na New Manila International Airport sa Bulacan. Isang katulad na protesta ang isinagawa naman sa Papendrect, The Netherlands, kung saan naroon ang pangunahing upisina ng Boskalis.

Mga estudyante ng UST, nagkaisa kontra panunupil sa kampus. Naglunsad ng kilos-protesta ang mga estudyante ng University of Sto. Tomas (UST) sa harap ng kampus nito sa Maynila noong Marso 22 para kundenahin ang mapaniil na mga patakaran sa unibersidad. Kasunod ang sama-samang pagkilos ng pagpagpapahayag ng pagkakaisa ng mga konseho ng mag-aaral, mga pahayagan, at iba pang organisasyon sa kampus noong Marso 20 laban sa administrasyon ng UST. Pinangunahan ang mga aktibidad ng Rise for Education Alliance-España.

Dayuhang pag-aari sa mga eskwelahan at taas-matrikula, binatikos. Nagprotesta ang mga kabataang estudyante sa harap ng Commission on Higher Education (CHED) sa Quezon City noong Marso 22 para batikusin ang pagtataguyod ng rehimeng US-Marcos sa charter change na magpapahintulot sa 100% pag-aari ng dayuhan sa mga eskwelahan sa bansa. Kinundena rin nila ang nagbabadyang pagtaas ng matrikula sa mga pribadong unibersidad na anila ay tiyak na aaprubahan ng CHED bilang “rubber stamp” ng mga eskwelahang ito.

Serye ng tanggalan sa Nexperia, nilalabanan. Nagprotesta noong Marso 22 sa loob ng Laguna Industrial Science Park sa Cabuyao, Laguna ang mga manggagawa ng Nexperia Philippines, kasama ang kanilang mga tagasuporta, para tutulan ang nakatakdang pagtatanggal ng 54 na manggagawa sa Abril. Ang tanggalang ito ay pangalawa na sa loob ng walong buwan. Batid nilang layunin ng serye ng mga tanggalan ang buwagin ang unyon na nagkamit na ng mga tagumpay sa sama-samang pagkilos ng mga manggagawa sa nakaraan.

Mga protesta