Pambobomba, pagpatay at karahasan ng AFP sa nagdaang linggo
Naghatid ng takot sa mga residente ang isinagawang aerial bombing ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga komunidad sa hangganan ng Sta. Maria, Ilocos Sur at Pilar, Abra noong Abril 2 ng tanghali. Hindi bababa sa 212 pamilya ang lumikas dahil sa mga pambobomba at panggigipit sa kanilang kabuhayan. Liban dito, daan-daang tropang militar din ang ibinuhos sa lugar para sa operasyong kontra-insurhensya.
Ang paggamit ng malalakas na bomba ay “likas na indiscriminate” o walang pinipili, nagsasapanganib sa buhay at kabuhayan ng mga sibilyan at nagdudulot na malawak na pagkawasak sa kapaligiran. Sa katunayan, lagpas sa ground zero ang epekto ng pambobomba ng AFP mula sa ere, taliwas sa sinasabi ng 501st IBde na pambobomba ay nakatuon lamang sa isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Abra.
Pagpatay. Pinagbabaril hanggang mapatay ng 62nd IB at mga pulis ang sibilyang magsasaka na si Marlon Catacio sa Sityo Ngalan, Barangay Quintin Remo, Moises Padilla, Negros Occidental noong Abril 4. Para takasan ang pananagutan, pinalabas ng militar na Pulang mandirigma si Catacio na napatay sa isang engkwentro. Agad itong pinasinungalinan ng mismong ina ng biktima.
Pag-aresto. Dinakip ng 62nd IB si Ronald Cantela sa Sityo Pitik-pitik, Barangay Luz, Guihulngan City noong Marso 20. Pinalalabas ng mga sundalo na nakumpiska sa kanyang bahay ang isang pistola. Winasak din ng mga sundalo ang mga gamit ng pamilya habang naghahalughog.
Pag-abuso. Hinipuan at binastos ng isang lasing na elemento ng 59th IB ang isang dalagita sa Sityo Sales, Barangay Pook, Balayan, Batangas noong Marso 28. Liban dito, walang kadahi-dahilan ding binugbog ng sundalo ang 14-anyos na lalaki na kasama ng dalagita.
Panggigipit. Tinakot at hinaras ng pinagsanib na mga pwersa ng pulis, militar at upisyal ng barangay ang tim ng mga boluntir na nagsasagawa ng imbestigasyon ukol sa epekto ng El Niño sa mga magsasaka at residente ng Barangay Sampaga, Balayan, Batangas madaling araw ng Marso 24.