Koresponsal Pagsisimula ng kilusang pagwawasto sa Agusan at Surigao del Sur
Magkakasunod na pag-aaral at talakayan ang matagumpay na inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa mga prubinsya ng Agusan at Surigao del Sur sa unang kwarto ng 2024. Bunga ng marubdob na pagtanggap ng komite at mga kasapi ng Partido sa panawagan ng Komite Sentral na ilunsad ang kilusang pagwawasto sa mga gawain sa ideolohiya, pinagsikapan at determinadong inilunsad ng BHB dito ang mga pag-aaral at talakayan sa gitna ng sustenidong operasyon ng kaaway.
Sinimulan nila ito sa pag-aaral sa pahayag ng Partido sa ika-55 anibersaryo kung saan tatlong grupo ang nakapagtapos sa istagard na pag-aaral. Ang unang grupo ay pinangunahan at dinaluhan ng mga kasapi ng komiteng seksyon at larangang gerilya. Karamihan sa mga dumalo ay mga nakababatang kadre na bumubuo sa 74% at 26% naman ang nakatatandang kadre. Tumagal ang buong pag-aaral nang 18 oras at 30 minuto. Basa-talakay at chalk talk ang naging paraan sa pagtalakay ng mga kasama.
Sa kolektibong diskusyon, naging buhay ang talakayan ng mga kasama dahil sa pagbabahagi sa kanilang mga karanasan sa pagpukaw, pag-organisa at pagpapakilos sa masa at kung paano pinamunuan ang pagsusulong ng digmang bayan sa prubinsya kasabay ng mapagkumbabang pagsusuri at pagtanggap sa mga partikular na kahinaan at kakulangan na nagresulta sa ilang mga kabiguan sa pagharap sa atake ng kaaway.
Samantala, sinimulan ng mga kasama ang ikalawang grupo ng pag-aaral na binubuo ng lahat ng kasapi ng Partido sa loob ng hukbo mula sa mga kandidato at ganap na kasapi (40% at 60%). Nagsilbing instruktor nila ang mga kasamang una nang nakapagtapos. Pinagsikapang mapagaan ang daloy ng talakayan sa paglikha ng mga simpleng biswal katulad ng drawing sa mapa ng daigdig upang mas madaling mailarawan sa mga mag-aaral ang mga bansang imperyalista at kung saan ito naglulunsad ngayon ng proxy war, naipakita rin sa mga kasama ang latag ng mga bansang atrasado o kolonya at semikolonya na nagsusulong ng armadong pakikibaka. Bagamat basa-talakay pa rin ang pamamaraan, nagawang bahagyang paiksiin ang kabuuang tagal ng pag-aaral. Sa ikatlong batch, mapangahas na tinanggap ng ilan sa mga kasamang may potensyal sa pagtuturo ang tungkulin na magsanay na magsilbing instruktor para sa huling grupo na binuo ng mga Pulang mandirigma na hindi pa kasapi ng Partido.
Ayon sa mga kasama, malaki ang naitulong sa kanila ng pag-aaral sa pahayag ng Partido. Nakapagbigay ito ng panibagong lakas at dagdag na tatag upang mas pagtibayin ang kapasyahang lumaban at magpatuloy sa armadong pakikibaka.
“Mas naging kongkreto sa kanila ang pagiging gabay ng Partido upang mas maunawaan ang mabilis na pagbabago ng kalagayan,” ayon kay Kasamang Del, isa sa mga mag-aaral. Nagsilbing tanglaw rin ito sa mga kasamang pinanghinaan ng loob at inagapan din silang bumangon mula sa pagkakalugmok sa mga negatibong kaisipan. Isa rito si Ka Maja, isang inang minsa’y nalulunod sa pangungulila sa kanyang mga anak.
Nagsilbing hamon naman kay Ka Che na mas magpakatatag at harapin ang mga pagsubok sa paggampan sa komprehensibong gawain. “Dama ko ang pangangailangang dobleng magsikap upang sumulong at tumibay bilang kasapi ng Partido,” aniya.
Ang sumunod na mga talakayan ay bahagi ng pag aaral sa mga topiko sa Padepa (Pambansang Demokratikong Paaralan) upang balik-aralan at unawain ang mga partikular na tungkulin mula sa antas komite ng Partido, sa buong kasapian nito, hanggang sa gawain sa platun at mga katuwang nito. Ang mga pag-aaral ay paghahanda na rin sa planong paglulunsad ng Batayang Kurso ng Partido.
Sa kabuuan, masaya at masigasig ang mga kasama sa pagharap sa mga hamon at naabot ang layuning simulan ang kilusang pagwawasto, magkonsolida, tukuyin ang bawat partikularidad kung saan nagkulang at nagkamali at determinadong igpawan ang mga kahinaan upang mas higit pang sumulong sa susunod na mga panahon.