Paglilitaw sa 2 dinukot na aktibista sa Pangasinan, bunga ng mabilis at masigasig na paggigiit
Sa loob ng tatlong araw, natulak ng mga kaanak, kaibigan at mga kapwa aktibista ang mga pwersa ng estado at ang rehimeng Marcos na ilitaw sina Francisco “Eco” Dangla III at Joxelle “Jak” Tiong. Dinukot ang dalawa noong alas-8 ng gabi ng Marso 24 sa Barangay Polo, San Carlos City, Pangasinan. Inanunsyo ng mga grupo sa karapatang-tao na “wala na sa kamay ng mga dumukot sa kanila ang dalawa, bugbog sarado, pero buhay” noong Marso 27.
Sa salaysay ng mga saksi, dinukot ang dalawa matapos harangin ng isang SUV ang traysikel na sinasakyan nila. Dalawa hanggang tatlong tao mula sa SUV at isa pang sakay ng isang motorsiklo ang nambugbog at nagsakay sa kanila sa sasakyan, anila. Narinig pa nila ang paghingi ni Tiong ng tulong.
Si Dangla, 39, ay dating estudyante ng University of the Philippines at kasalukuyang tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Pangasinan. Habang si Tiong, 29, gradweyt ng Universidad de Dagupan ay koordineytor ng Kabataan Partylist sa prubinsya. Pareho silang tagapagtipon ng Pangasinan People’s Strike for the Environment, grupong naninindigan laban sa planong black sand mining at pagtatayo ng nuclear power plant sa prubinsya. Bago ang insidente, biktima na ang dalawa ng walang tigil na Red-tagging, pagmamanman, intimidasyon at iba pang porma ng panggigipit ng armadong pwersa ng estado.
Malaki ang naging tulong ng malawakang paghahanap at paglikha ng ingay para mailitaw ang mga biktima. Kaagad na naiulat ang insidente ng pagdukot sa kanila, naipaskil sa social media, nakapaglabas ng mga pahayag at umani ng suporta mula sa mga grupong makakalikasan at iba pa. Naibalita din ito kaagad sa telebisyon.
Nagprotesta rin kaagad ang mga tagapagtanggol ng karapatang-tao noong Marso 25 sa Quezon City para kundenahin ang pagdukot ng mga ahente ng AFP at PNP sa dalawa. Nagbuo rin ng mga tim para sugsugin ang mga kampo militar at istasyon ng pulis sa kinaroroonan ng mga biktima.
Bahagi ng kampanya ang pagpunta ng mga kaanak nila Dangla at Tiong, kasama si Kabataan Representative Raoul Manuel, mga taong-simbahan at iba pang mga grupo sa Camp Lt. Tito Abat, Barangay Calaoacan, Manaoag, Pangasinan, kampo ng 702nd IBde, 7th ID. Nag-usisa sila sa kampo at naghain ng “inquiry” kaugnay ng ulat sa sapilitang pagkawala kina Dangla at Tiong.