Kabataan laban sa Red-tagging at panunupil
Nagprotesta ang mga estudyante ng University of Santo Tomas (UST) noong Mayo 28-29 laban sa tumitinding panunupil at Red-tagging sa loob ng unibersidad. Kinundena nila ang “notice to explain” na ipinadala sa tatlong lider-estudyante ng Kabataan Partylist-UST Artlets na sina Raven Racelis, Ray Manuel, at Kerby Calizar. Isinampa ang kaso ni Prof. Marlon Villarin matapos kumprontahin ng mga estudyante ang NTF-Elcac at AFP sa kampus. Giit ng mga estudyante, labag sa akademikong kalayaan at sistematikong panggigipit sa mga kritikal na boses ang reklamo.
Sa Iloilo City, mariing tinutulan ng mga mag-aaral ng West Visayas State University ang pag-imbita kay Lt. Gen. Antonio Nafarrete, kumander ng Philippine Army, bilang panauhing tagapagsalita sa kanilang araw ng pagkilala noong Hunyo 3. Nagsuot ng itim na ribon ang mga estudyante sa araw na iyon bilang simbolikong pagtutol. Anila, ang pagbigay-karangalan sa isang upisyal militar na sangkot sa mga paglabag sa karapatang-tao ay insulto sa integridad ng unibersidad.
Sa Davao City, nagprotesta ang mga kabataan at lider-estudyante mula sa UP Mindanao noong Hunyo 2 para kundenahin ang Red-tagging sa rehiyon. Kaugnay ito ng inilabas ng PNP sa bayan ng Cateel, Davao Oriental na isang “Active Wanted Persons” poster noong Mayo 27 kung saan karamihan sa pinangalanan ay mga lider kabataan. Isinapanganib nito ang buhay at seguridad ng 14 na pinangalanan at kanilang mga pamilya.