Pagsira sa kalikasan para sa tubo ng mga korporasyon, nilalabanan
Kinundena ng mga grupong pangkalikasan at katutubo ang patuloy na pagsira sa kalikasan upang bigyang daan ang malalaking proyektong imprastruktura at pagmimina.
Sa Laguna, nagmartsa ang mga residente ng Pakil sa pangunguna ng Mamamayang Nagmamahal sa Pakil noong Mayo 30 upang tutulan ang pagtatayo ng Ahunan Dam sa bundok Ping-as. Itinuturing na sagrado ang bundok at mahalagang pinagkukunan ng malinis na tubig, irigasyon, at kabuhayan.
Sa Romblon, napatigil ng protesta noong Mayo 25 ng mahigit 500 residente ng Barangay España at katabing mga komunidad sa San Fernando, Sibuyan Island ang planong pagmimina ng Altai Philippines Mining Corporation. Itinaon ang pagkilos sa sesyon ng Sangguniang Barangay. Target ng operasyong mina ang 1,580 ektarya ng lupain sa San Fernando para sa tinatayang 50,000 toneladang nickel ore.
Sa Maynila, napilitan ang Department of Environment and Natural Resources at San Miguel Corporation ni Ramon Ang, na isuspinde ang pagputol ng mga puno sa kahabaan ng Quirino Avenue matapos ang mga protesta na pinangunahan ng Kalikasan People’s Network for the Environment noong Mayo 26 at ng malakas na opinyong publiko. Umaabot sa 617 puno ang maaapektuhan ng Southern Access Link Expressway, kung saan mahigit 200 na ang naputol bago ang suspensyon.