Wakasan ang 80-taong malakolonyal na paghahari ng imperyalismong US
Higit kailanman sa kasaysayan ng Pilipinas, napakahigpit ngayon ng pangangailangang makibaka nang buong-sigasig para kamtin ang matagal nang hinahangad ng sambayanang Pilipino na tunay na kalayaan mula sa malakolonyal na kontrol at dominasyon ng mga imperyalistang Amerikano.
Niyayanig ang buong mundo ng papalalim na pandaigdigang krisis ng sistemang kapitalista at umiigting na tunggalian ng mga imperyalistang kapangyarihan. Sa harap nito, lalong tumitindi ang agresyong militar ng US, sa imbing pakanang ipataw ang hegemonya sa iba’t ibang panig ng daigdig para kontrolin ang mga pinagkukunan ng hilaw na materyales at mga pamilihan para sa pagtatambak ng kanyang sobrang mga kalakal.
Sa Pilipinas, lalong bumibigat ang pagdagan ng imperyalismong US sa sambayanang Pilipino. Nariyan ang permanenteng presensya at malawakang pag-ooperasyon ng libu-libong pwersang militar ng US sa iba’t ibang sulok ng bansa, bilang lantarang pagpapakita ng kanilang kontrol at dominasyon sa Pilipinas. Walang-awat ang pagwawasiwas ng US ng pwersang militar sa anyo ng sunud-sunod na ensayong panggera. Nagpalipad kamakailan ng Tomahawk missile mula sa sibilyang paliparan sa Tacloban City tungo sa Nueva Ecija, na nagsapeligro sa milyun-milyong Pilipino sa Maynila at iba pang lugar na dinaanan ng mababang paglipad nito.
Ginagamit ng US ang kontrol nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP), partikular sa Philippine Navy, pati sa Philippine Coast Guard, para magsilbing escort o bantay sa mga pwersang nabal ng US na nagmamaniobra sa karagatan sa palibot ng China. Halos palagiang may nakadaong o naglalayag na dambuhalang aircraft carrier ng US sa karagatan ng Pilipinas. Kabilang dito ang USS Abraham Lincoln na sumuot sa mga isla ng Pilipinas tungo sa South China Sea bago ito naglayag sa Middle East para sumuporta sa paglusob ng US sa Iran. Kamakailan, “nagpatrulya” ang US Coast Guard sa Scarborrough Shoal, na ilanlibong milya ang layo sa baybayin ng US, para manghamon at mang-udyok sa China.
Mas mahigpit na kinokontrol ng imperyalismong US ang papet na rehimeng Marcos at ang patakarang panlabas ng bansa. Animo’y loro ang mga maka-US na upisyal ng rehimeng Marcos sa pag-uulit-ulit ng propaganda ng US para bigyang-matwid ang estratehiyang “palibutan” at “pigilan ang paglawak” ng lakas ng China. Binigyang daan din ng rehimeng Marcos ang muling pagbabalik ng mga tropa ng Japan sa Pilipinas para suportahan ang US, na tahasang paglapastangan sa sigaw ng sambayanang Pilipino para sa katarungan sa malawak na mga krimen ng mga sundalo ng Japan nang sinakop ang Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa ekonomya, mas agresibong itinutulak ngayon ng US ang pagpapahigpit ng kontrol ng mga kapitalistang Amerikano sa likas na yaman ng bansa, sa balangkas ng Pax Silica. Iginigiit ng US ang espesyal na pagtrato sa mga kumpanyang Amerikano na magnenegosyo sa binuksang “economic security zone” sa Pampanga at Tarlac, para sa pagpuproseso ng mga mineral at pagtatayo ng matakaw-sa-tubig na imprastruktura para sa artificial intelligence (AI). Ang mga kumpanyang Amerikano (pati na kasosyong kumpanyang militar ng Israel) na mag-ooperasyon dito ay walang babayarang buwis, walang upa sa lupa at malaya sa kontrol at pangangasiwa ng gubyerno ng Pilipinas. Alinsunod sa pakay ng US, pinupuntirya at ipinasasara ng rehimeng Marcos, sa pangunguna ng AFP at Department of Defense, ang mga kumpanya ng China na may mga pagawaan sa Pilipinas.
Sa militar, papatindi ang panghihimasok ng US sa lokal na gerang panunupil at paggatong sa pasismo ng reaksyunaryong estado laban sa mamamayang nakikibaka. Sa balangkas ng Salaknib military exercises, isinasagawa ang mga pagsasanay ng mga tropang Amerikano sa “jungle warfare” at “small unit operations” na nakatuon pangunahin sa mga operasyong kontra-gerilya. Inaarmasan nito ang AFP ng mga jetfighter, helikopter, mga bomba, kanyon, drone, anti-drone, GPS tracker at iba pang sandata sa desperasyong lipulin ang BHB, na isa sa pinakamalaking sagka sa lubos na pamamayagpag ng kapangyarihan ng US sa Pilipinas. Tuluy-tuloy na pumapasok ang mga tropang Amerikano sa mga liblib na lugar sa kanayunan, kabilang ang sa Central Luzon, Bicol at iba’t ibang prubinsya sa Mindanao.
Ginagatungan ng imperyalismong US ang pasistang panunupil ng mga armadong galamay ng rehimeng Marcos. Nananaginip nang gising ang imperyalismong US at ang mga hibang na militaristang upisyal na madadaan sa pasistang panunupil ang paggapi sa armado at di armadong paglaban ng malawak na masa ng sambayanang nakikibaka para sa tunay na kalayaan. Ang patuloy na pagpupunyagi at matatag na pagbawi ng lakas ng BHB, at ang tinatamo nitong malawak na pagsuporta ng masa sa iba’t ibang panig ng bansa, ay patunay na hindi kailanman mauupos ang hangarin ng sambayanang Pilipino para sa tunay na kalayaan at demokrasya.
Halos walong dekada na mula noong Hulyo 4, 1946 nang “ibigay” ng imperyalismong US sa Pilipinas ang huwad na kalayaan, at itinatag ang papet at pasistang estado. Kasabwat ang naghaharing mga uri ng malalaking burgesyang kumprador, malalaking panginoong maylupa at burukrata-kapitalista, isinadlak ng imperyalismong US ang Pilipinas sa malakolonyal at malapyudal na katayuan.
Sa ilalim ng 80-taong malakolonyal na paghahari ng US, nasadlak ang Pilipinas sa walang katapusang krisis sa ekonomya, dahil sa pagkakait sa Pilipinas ng pagkakataon na tumindig sa sariling paa. Pinanatili nito ang atrasadong sistemang pyudal at pinagsilbi ang bansa na taga-eksport ng murang hilaw na materyales. Ginumon ang bansa sa dayuhang pautang para sa panandaliang pagpapasikad sa ekonomya kapalit ng panggagahis ng mga patakarang neoliberal na kumalbo sa mga kagubatan, dumambong sa mga kabundukan, kumamkam ng mga mineral, umangkin ng daanlibong ektaryang lupain. Ginamit ang Pilipinas na malaking base militar para ipataw ng US ang kapangyarihan sa bansa at iba’t ibang panig ng mundo.
Sa “Araw ng Kalayaan” sa Hunyo 12, walang katuturan na magdiwang sa harap ng paghihikahos ng mamamayan at panlulupig ng dayuhang pwersang militar. Sa 80-taong paghaharing malakolonyal ng US, inangkin ng mga monopolyo kapitalistang Amerikano ang yaman ng bansa habang dinusta at ginutom ang malawak na masang manggagawa at magsasaka. Dapat wakasan ang kabanatang ito ng kasaysayan ng bansa na walang ibang patutunguhan kundi lalong paghihirap at pagdurusa ng bayan. Dapat magbuklod ang buong bayan at buong sigasig na isulong ang digmang bayan para sa tunay na kalayaan, demokrasya at katubusan ng bansa.