Umiigting na agresyon at panghihimasok ng imperyalismong US sa Latin America
Sa nagdaang buwan, umigting ang opensibang inilulunsad ng imperyalismong US, sa pangunguna ng pangulo nitong si Donald Trump, laban sa mga bansa sa Latin America. Pinapayungan ng “Trump Corollary” o kadugtong ng doktrinang Monroe ang kasalukuyang mga atake, agresyon at panggigipit.
Venezuela. Nagsagawa ng “evacuation drill” ang mga sundalo ng US sa sentro ng Caracas sa Venezuela noong Mayo 23. Dalawang helikopter na may lulan na mga sundalong Amerikano, mga abulansya, bumbero at iba pang pwersang panseguridad ng US ang lumahok sa aktibidad. Pinamunuan mismo ng pinuno ng US Southern Command na si General Francis Donovan ang aktibidad militar.
Pinahintulutan ito ng gubyerno ng Venezuela sa ilalim ni Delcy Rodríguez, tumatayong presidente ng bansa, sa tabing ng “istandard na mga seguridad pang-diplomatiko at mga protokol sa proteksyon.” Sa harap ng panggigipit at pambabanta ng US, pumasok si Rodríguez sa iba’t ibang kasunduan sa pulitika at ekonomya kasama ang gubyernong Trump ng US. Kabilang dito ang mga “ehersisyong panseguridad.” Kasunod ito ng pagdukot ng US sa dating pangulo ng Venezuela na si Pangulong Nicolás Maduro at kanyang asawa na si Cilia Flores noong Enero 3.
Tinuligsa ng iba’t ibang grupo sa Venezuela ang ehersisyong militar na anila ay tahasang panghihimasok at paglabag ng US sa soberanya ng bansa. “No to the drill! Yankee go home!” ang panawagan ng mga nagprotesta.
Cuba. Pinatawan ng sangsyon at sinampahan ng mga reklamo ng US ang mga pinuno ng gubyerno at rebolusyonaryong lider sa Cuba. Noong Hunyo 4, direktang pinatawan ng sangsyon ng US Treasury Department si Cuban President Miguel Díaz-Canel, ang kanyang pamilya, at malalapit na kaanak ng mga Castro. Kasabay ito ng panibagong pagbabanta ni Trump laban sa bansa na “aasikasuhin” pagkatapos ng Iran.
Noong Mayo 20, nagsampa ng mga reklamo ang US Department of Justice laban kay Raúl Castro, 94, rebolusyonaryong lider, heneral at dating pangulo ng bansa. Sinasakdal siya ng US kaugnay ng pagpapabagsak sa dalawang eroplano sa Cuba noong 1996 na gamit noon ng mga pwersang maka-US sa panghihimasok sa Cuba. Binatikos ng mga upisyal ng Cuba ang hakbang na ito na sinasabi nilang gagamitin lamang bilang katwiran para sugurin at atakehin ang bansa, tulad ng ginawa sa Venezuela.
Bolivia. Sa harap ng lumalalang krisis sa ekonomya at bumabagsak na kalidad ng buhay, kinundena ng mamamayang Bolivian ang pagiging sunud-sunuran ng nakaupong rehimen sa mga dikta ng US. Malinaw sa kanila na ang pagpabor ng rehimeng Paz sa US at mga dayuhang kumpanya ay pagtataksil sa soberanya ng bansa. Nagpapatuloy ang pangkalahatang welga ng mga manggagawa at anakpawis ng Bolivia na sinimulan noong Mayo. Paralisado ang maraming mayor na syudad sa bansa.
Lalo pang ikinagalit ng mga welgista ang tahasang pagsuporta ng US sa pambubuwag at pasistang panunupil ni Paz sa mga pagkilos. Batid nilang sinusuhayan ng US ang rehimen dahil susi ito para madambong ang likas na yaman ng Bolivia. Kinundena nila ang panghihimasok ng US sa bansa, kabilang ang bantang dukutin si Evo Morales, anti-imperyalistang lider at dating presidente ng Bolivia.
Pinaglalawayan ng US ang Bolivia dahil sa reserbang lithium nito na isa sa pinakamalaki sa buong mundo. Bahagi ito ng tinatawag na “Lithium Triangle” sa South America kasama ang Argentina at Chile. Sila ang tatlong bansa na nagmamay-ari ng mahigit 50% ng kabuuang lithium sa buong mundo.
Colombia. Tahasang nakikialam ang US sa kasalukuyang pambansang eleksyon sa Colombia. Noong Mayo 29, iligal na nakipagpulong si US Senator Bernie Moreno sa mga konserbatibong kandidato ng Colombia upang pag-isahin ang Kanan laban sa progresibong kandidato na si Iván Cepeda sa darating na runoff sa Hunyo 21. Si Moreno ay bahagi ng 86-kataong delegasyon ng US para maging “obserber” sa eleksyon at galamay nito para sa pakikialam.
Sa unang runoff ng eleksyon noong Mayo 31, nanguna ang pasistang kandidatong si Abelardo de la Espriella na may 43.7%. Matapos ang resulta, hayagan siyang inendorso ni Trump para sa pinal na eleksyon sa Hunyo. Binatikos ito ng kasalukuyang pangulo ng Colombia na si Gustavo Petro bilang paglapastangan sa soberanya ng bansa.