Mga protesta

,

 

Atin ang Kinse. Nagprotesta ang mga grupo ng mangingisda sa pangunguna ng Pamalakaya sa harap ng Department of Agriculture sa Quezon City noong Mayo 28 upang kundenahin ang pagdami ng komersyal na pangingisda sa loob ng 15kilometrong municipal waters na pinahintulutan ng desisyon ng Korte Suprema noong Disyembre 2024. Ang protesta ay paggunita rin sa National Fisherfolk’s Day noong Mayo 31.

Manininda kontra imperyalistang gera. Sa Tuguegarao City, daan-daang manininda sa Mall of the Valley ang lumagda sa petisyong nananawagan ng agarang pagpapatigil sa gerang agresyon ng US-Israel sa Iran. Kasabay nito ang panawagan para sa pagpapababa sa presyo ng langis at pagbigay ng suportang pinansyal sa maliliit na manininda. Anila, bumagsak nang halos 60% ang kanilang kita dahil sa pagtaas ng presyo ng langis.

“Poorest de Mayo” ng maralita. Inilunsad ng mga progresibong grupo sa Metro Manila ang tatlong magkakahiwalay na paradang “Poorest de Mayo” noong huling linggo ng Mayo bilang malikhaing protesta laban sa kahirapan. Halaw sa tradisyunal na Flores De Mayo, suot ng mga kalahok ang gawa sa niresiklong materyales na sumasalamin sa mga isyu ng mamamayan. Kabilang dito ang kawalan ng kabuhayan, mababang sahod, demolisyon, krisis sa edukasyon, pagkasira ng kalikasan, at paghihirap dulot ng mga digmang gerang ng US at Israel sa Middle East.

Imbestigahan ang sunog sa Delpan. Nanawagan ang Kadamay ng agarang imbestigasyon sa sunog sa Parola Compound, Delpan, Binondo sa Maynila na sumiklab noong Mayo 23. Umabot sa 7,123 residente ang nawalan ng tirahan at pansamantalang nakatigil sa mga evacuation center dahil sa sunog. Itatayo sa komunidad ang North-South Harbor Bridge Project ng burgesyang kumprador na si Enrique Razon Jr. Bahagi ng proyekto ang isang 2.02-kilometrong tulay na magdudugtong sa Barangay 20 (Parola) sa North Harbor at Barangay 649 (Baseco) sa South Harbor. Inianunsyo ang pagsisimula nito noong Mayo 22, isang araw bago ang sunog.

Kambalingan, muling iginiit. Sa isang porum noong Mayo 25, muling nanawagan ang mga bakwit ng Marawi para sa Kambalingan o ligtas, marangal, at tunay na pagbabalik sa kanilang mga komunidad. Hanggang ngayon, maraming residente ang hindi pinapayagang makabalik, habang tinatayuan na ng mga proyektong imprastruktura ang kanilang lupa. Binabatikos ng mga grupo ang pagbibigay prayoridad sa mamahaling proyekto kaysa sa batayang serbisyo at ang mabagal na proseso ng pagbibigay ng kumpensasyon. Nasa 3,187 o 22% pa lamang ang napuproseso mula sa 14,497 na aplikasyon, na lalong nagpapahirap sa mga biktima.

Mga protesta