Bagong reporma sa general education ni Marcos Higit na paghuhubad sa bulok na edukasyon

,

Ibayong hinuhubaran ng panibagong reporma ng rehimeng US-Marcos sa general education o GE ang bulok na sistema sa Pilipinas. Itinutulak ng Commission on Higher Education (CHED) ang panukalang Reframed General Education Curriculum Component (RGECC). Layunin nitong bawasan ang rekisitong asignaturang GE mula sa kasalukuyang 36 tungong 18 yunit na lamang. Target itong ipailalim sa “pilot” (eksperimento) na pagpapatupad sa akademikong taon 2026-2027, kung saan muling babawasan ang mga kursong ukol sa kasaysayan, panitikan, at etika.

Ang GE ay mga kursong nagbibigay ng batayang pundasyon sa kolehiyo tulad ng Filipino, panitikan, kasaysayan, pilosopiya, at etika na sinasabing nakatutulong sa paghubog sa kritikal na kamalayan. Ang RGECC ay kadugtong ng pagbabago noong 2013 (CHED Memorandum Order No. 20) na nagbaba ng GE yunit mula 42-64 tungong 36 alinsunod sa kumpas ng “globalisasyon,” K-12, at integrasyon sa ASEAN, na nagtanggal sa Filipino at Panitikan bilang mga susing asignatura.

Pagtutol ng mga akademiko at guro

Ang sunud-sunod na porum at pagkilos noong Mayo ang nagtulak sa CHED na ianunsyo ang pagpapaliban sa eksperimentong pagpapatupad sa RGECC noong Mayo 13. Bago rito, nangalap ng pirma para sa petisyon kontra RGECC ang sektor. Pumirma ang mga pambansang alagad ng sining, propesor, at mambabatas.

Ayon sa General Education Movement (GEM), ang pagpapaliban ay tagumpay ng kolektibong paglaban, ngunit hindi ito sapat dahil nananatili ang sentral na problema: ang pagbabago sa istruktura ng edukasyon alinsunod sa merkado at neoliberalismo. Layunin ng RGECC na gawing “handa sa trabaho” ang mga estudyante at ihulma sila bilang supil at kiming lakas-paggawa para sa mga dayuhang korporasyon at malalaking burgesya-kumprador, habang inaalis ang aspetong “makatao” ng pagkatuto. Banta rin ito sa kabuhayan ng tinatayang 60,000-90,000 libong kontraktwal, partaym, at hindi permanenteng guro na posibleng masisante.

Itinutulak ng GEM ang tuluyang pagbasura sa RGECC. Panawagan rin nila ang tunay at pambansang pagsusuri sa kasalukuyang kurikulum sa GE, pagbabalangkas sa bagong kurikulum sa demokratikong paraan at pagbabawal sa lahat ng porma ng pagsisante sa trabaho na ibubunga ng rebisyon sa GE.

Oryentasyon ng sistema sa edukasyon

Inilarawan ng rebolusyonaryong grupo na Katipunan ng mga Gurong Makabayan (Kaguma) ang reporma bilang “pinaka-agresibo” na pagbabago ng istruktura sa edukasyon sa balangkas ng neoliberalismo. Habang kinikilala ang lumalawak na pagkilos laban sa reporma, ipinahayag ng grupo na hindi dapat mahulog ang bayan sa patibong na manawagang “bumalik” sa kaibuturang layunin ng GE.

Ang GE ay nagmula sa programang Great Book na tinawag na Contemporary Civilization ng Columbia University. Ito ang naging modelo ng GE sa buong mundo na tugon ng burgesya sa “barbarismo” na diumano’y nagresulta ng Unang Digmaang Pandaigdig. Ginamit ang GE sa pag-asang makalilikha ito ng isang “mas mapayapa, makatao at patas na lipunan” sa gitna ng umiiral na imperyalistang mga tunggalian.

Sa kaibuturan, sadyang baluktot ang oryentasyon ng GE sa Pilipinas dahil sa pundasyon at kasaysayan nito. “Ang tanging gamot sa labis na komersyalisado at pananakal na ito ng mga korporasyon ay isang militante at hindi palulupig na kilusang masa na nagsusulong ng edukasyong nakadisensyo para sa pambansang industriyalisasyon at tunay na pambansang pagpapalaya,” pahayag ng grupo.

Kaisa sa pakikibaka laban sa bulok na sistema ng edukasyon ang Kabataang Makabayan (KM). Anito, dapat patuloy na pakilusin ang kabataang Pilipino para sagkaan ang reporma sa GE na ibayong magsasadlak sa kamangmangan sa mga kabataan. “Dapat na ipaglaban ng mga kabataan ang edukasyong naglilingkod sa interes ng bansa at sambayanan,” pahayag ng KM.

Isinusulong ng Kaguma, KM at ng buong National Democratic Front of the Philippines ang isang makabayan, syentipiko at makamasang edukasyon bilang panghalili sa kolonyal, komersyalisado at mapaniil na edukasyon sa bansa. Ganap na makakamit at maisasakatuparan lamang ang ganitong tipo ng edukasyon sa pagbabagsak sa kasalukuyang bulok na malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan.

Higit na paghuhubad sa bulok na edukasyon