Negosasyon sa kapayapaan ng US at Iran, suspendido

,

Nag-anunsyo ang Iran noong Hunyo 1 na isinuspinde nito ang partisipasyon sa negosasyon sa kapayapaan sa US kaugnay ng gera. Bunga ito ng pag-atake at pambobomba ng Zionistang Israel sa Lebanon na tahasang paglabag sa balangkas para sa tigil-putukan. Kaugnay nito, muling ganap na isasara ng Iran ang Strait of Hormuz.

Ayon sa Iran, “ang paglabag sa isang larangan ay paglabag sa tigil-putukan sa lahat ng mga larangan.” Noong Mayo 31, inianunsyo mismo ng punong ministro ng Zionistang Israel na si Benjamin Netanyahu na inatasan niya ang kanyang militar para palawakin at paigtingin ang mga operasyon at maniobrang militar sa Lebanon. Sunud-sunod ang mga pambobomba nito na pumaslang at nakasugat sa maraming sibilyan sa Lebanon.

Matapos tumirik ang negosasyon, inatake ng US noong Hunyo 3 ang Qeshm Island sa Iran na sinasabing sumira sa mga misayl at drone ng bansa. Binansagan ito ng US bilang hakbang ng “pagtatanggol sa sarili.” Gumanti ng pag-atake ang Iran sa mga base at pasilidad ng US sa Kuwait at Bahrain.

Noong Mayo 28, patung-patong na mga bagong sangsyon ang ipinataw ng US sa Iran.

Negosasyon sa kapayapaan ng US at Iran, suspendido