Krisis sa Senado: Salamin ng kabulukan ng burukrata-kapitalismo

,

Sa nakaraang mga linggo, saksi ang mamamayan sa balyahan at agawan ng mga burukrata-kapitalista sa pamunuan ng Senado. Sa isang panig ang grupo ni Sen. Tito Sotto, na nagdeklarang “bagong mayorya” at may 12 senador. Sa kabilang panig ang grupo ni Sen. Alan Peter Cayetano na may 10 senador, mula sa dating 13. Bago nito, naipwesto ni Cayetano ang kanyang sarili sa kudeta laban kay Sotto noong Mayo 11 nang ilitaw niya si Sen. Ronaldo de la Rosa mula sa 6-buwang pagtatago para iboto siya. Sa pagkaripas ni de la Rosa pabalik sa pinagtaguang lungga, pag-aresto kay Sen. Jinggoy Estrada sa kasong pandarambong at pagbaligtad ni Sen. Chiz Escudero, nabawasan ang mayorya ni Cayetano.

Litaw sa agawan sa liderato ang pagkukumahog ng mga burukrata-kapitalista na protektahan ang kanilang mga sarili at kani-kanilang pangkatin. Nasa sentro nito ang tulak ng kampo ni Cayetano na iantala at tuluyang ibasura ang kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Iniiwasan din nitong mapatibay ang ulat ng Blue Ribbon Committee kung saan pinangalanan ang ilan sa mga senador sa kanyang kampo na sangkot sa mga korapsyon kaugnay sa mga proyektong flood control.

Kasabay nito, agresibong itinutulak ng kampo ni Cayetano ang mga pagdinig para tumbukin ang papel ni Ferdinand Marcos Jr, pati ang kanyang mga alyado at upisyal, bilang nasa tuktok ng mga anomalya sa flood control. Kani-kanya ang kanilang pagsisikap para isalba ang kanilang mga sarili laban sa mga kaso ng korapsyon, pagtanggap ng suhol, pagpapayaman sa pwesto at kriminal na pananagutan.

Nakatanaw ang dalawang kampo sa eleksyong 2028, kung saan inaasahang lulundo ang umpugan ng pangkatin ng mga Duterte na kinatawan ni Cayetano at ang kampo ng mga Marcos, na kinatakawan ni Sotto, kasabwat ang mga senador ng Liberal Party at Akbayan.

Noong unang linggo ng Hunyo, naglunsad ng serye ng protesta ang mga pambansa-demokratikong grupo sa Senado para kundenahin ang pagtatanggol ng mga myembro nito sa mga korap at kriminal na upisyal, at pagsusulong ng makasariling interes. Panawagan nila ang katotohanan, pananagutan at hustisya.

Krisis sa Senado: Salamin ng kabulukan ng burukrata-kapitalismo