Ika-10 kongreso ng FRSO ng US, binati ng PKP
Matagumpay na naidaos ng grupo sa US na Freedom Road Socialist Organization (FRSO) ang kanilang ika-10 Kongreso noong Mayo sa kritikal na panahong umuunlad ang mga pakikibakang bayan at bumibilis ang pagbulusok sa krisis ng monopolyo kapitalismo sa US. Nagpaabot ng pagbati sa kongreso ng FRSO ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).
Ang FRSO ay isang pambansang organisasyon ng mga rebolusyonaryong nakikibaka para sa sosyalismo sa US. Ayon sa grupo, mula nang inilunsad nito ang huling kongreso noong 2022 ay nagkaroon ng ekstra-ordinaryong paglawak at pagdami ng kasapian nito sa mga syudad at bayan. Nagsama-sama sa kongreso ang 185 delegado at 101 alternatibong myembro nito, na pinakamarami sa nagdaang mga kongreso. Nagmula sila sa lahat ng estado ng US. Malaking mayorya ng mga delegado ay mas bata sa edad na 35 taong gulang at mahigit 40% ay nagmula sa aping mga nasyunalidad. Halos kalahati naman ng buong kongreso ay mga babae at bahagi ng LGBTQ+.
Sa nakaraang mga taon, napamunuan ng FRSO ang ilang mga protestang nilahukan ng daanlibong mamamayan at ganap na naging isang pwersa sa kilusang masa. Iniulat ng grupo ang pag-unlad sa mga gawain sa kilusang paggawa, aktibong pagbubuo ng mga pambansang kilusan, at pakikiisa sa mga internasyunal na pakikibaka tulad sa Palestine at Pilipinas. Nagsumikap rin ang buong kasapian nito para labanan ang reaksyunaryong mga atake ni Trump. “Sumusulong tayo sa landas patungo sa layunin ng pagbuo ng bagong partido komunista na makapanghahamon sa kapangyarihan,” pahayag ng FRSO.
“Ang inyong pagtitipon ay isang mahalagang tagumpay para sa uring manggagawa at lahat ng pinagsasamantalahan at aping mamamayan sa pusod ng imperyalistang halimaw,” pahayag ng PKP. Dagdag ng Partido, labis na napapanahon ang kongreso laluna at napakabilis na umiigting ang mga kontradiksyon sa US at sa buong mundo.
“Tumatanaw kami sa patuloy na magkasamang pagkatuto at pakikibaka, para abutin ang higit pang mga taugmpay para sa mamamayan, at para magmartsa nang magkasama sa pagkakamit sa kalayaan, hustisya, at maliwanag na sosyalistang kinabukasan, at higit na mas maningning na komunistang hinaharap,” ayon sa PKP.