Labanan ang hayok-sa-gerang imperyalismong US
Mahigit 100 araw mula noong Pebrero 28 nang simulan ng imperyalismong US at Zionistang estado ng Israel ang paglusob at ilang linggong pambobomba sa bansang Iran, pinirmahan ng dalawang bansa noong Hunyo 17 ang memorandum of understanding o “unawaan” matapos ang masalimuot na negosasyon sa Islamabad, Pakistan. Laman ng unawaang ito ang “ceasefire” o tigil-putukan sa loob ng 60 araw para pag-usapan ang mga detalye ng bubuuing pinal na kasunduan.
Ang kasunduang ito ay pinasok ng US matapos mabigong paluhurin ang Iran para isuko ang kanyang langis at soberanya, at ipailalim ito sa kanyang dikta. Sa kabila ng higit na superyor na lakas militar at paulit-ulit na deklarasyon ng tagumpay ng hibang na presidente nito, napwersa ang US na pansamantalang iatras ang agresyon sa Iran, sa harap ng malalim na pampulitikang bitak sa naghaharing uri sa US, at malakas na angal ng mga mamamayan sa patuloy na sumisirit na presyo ng langis.
Patunay rin ang kasunduan ng kakayahan ng isang mas maliit at mas mahinang bansang may soberanya, na ipagtanggol ang kanyang kasarinlan laban sa higit na makapangyarihang imperyalista. Sa kabila ng walang habas na pambobomba ng US at Israel, nanatiling determinado ang Iran na ipagtanggol ang kanyang kasarinlan. Taliwas sa panaginip ni Trump at Netanyahu na mag-aalsa ang mamamayan laban sa kanilang gubyerno, nagkaisa ang buong Iran sa ilalim ng bandila ng pambansang pagtatanggol. Milyun-milyon ang nagtipon sa mga lansangan upang sabay-sabay na tuligsain ang panggagahis sa kanila ng imperyalismong US.
Napirmahan man, nananatili sa balag ng alanganin ang kasunduan. Patuloy ang pang-uupat at pahayag ni Trump na “babalik sa gera” at “huhulugan ng bomba ang kanilang mga ulo” kung hindi makukuha ang gusto sa kasunduan. Wala pa ring awat ang pambobomba at pang-agaw ng Israel sa teritoryo ng Lebanon. Nananatili ang humigit kumulang 20 base militar nito sa Kuwait, Qatar, Bahrain, United Arab Emirates (UAE), Saudi Arabia, Oman at Iraq sa palibot ng Iran.
Habang pansamantalang pinreno ng US ang agresyon sa Iran, patuloy namang pinatitindi ang panghihimasok nito sa Latin America. Matapos lusubin ang Venezuela at dukutin ang presidente nitong si Nicolas Maduro at asawa niyang si Cilia Flores, walang lubay ang pagdidiin nito sa gubyerno ng Venezuela para sumunod sa mga dikta ng US at magsilbi sa interes ng malalaking kapitalistang Amerikano, laluna ng malalaking kumpanya sa langis.
Ginagamit nito ang pakanang “gera kontra narkotiko” para bigyang matwid ang panghihimasok at pagbabanta sa Mexico, Colombia, Guatemala at iba pang bansa. Patuloy ang pambobomba nito sa mga maliliit na sasakyang pandagat sa Caribbean, kahit walang pruwebang sangkot ang mga iyon sa droga. Patuloy ang panggigipit at pagbabanta nito sa bansang Cuba para ipabaklas ang kontrol at pagplano ng estado sa ekonomya, at buksan ito sa pagpasok ng dayuhang malalaking bangko at kapitalista. Inuupat nito ang gubyerno sa Bolivia na sugpuin ang ilang linggo nang mga martsa at pag-aaklas ng milyun-milyong anakpawis laban sa papet na gubyerno at planong pagsuko ng mga rekurso ng bansa sa US. Direkta itong nakikialam para ipanalo ang maka-US na kandidato nito sa Colombia.
Patuloy ang US sa pagpupwesto ng ilampung libong tropa, mga sandata at kagamitang pandigma at pwersang nabal sa Pilipinas, sa Japan, South Korea at iba pang bansa sa Asia, para “palibutan” at “pigilan ang paglakas” ng China. Sige ang sulsol at suporta sa Japan sa pagpaling sa militarismo at pagtalikod sa kontra-gerang konstitusyon, na sinalubong ng malawak na protesta ng mamamayan. Sinusulsulan rin ang Taiwan na magpalakas ng militar at maghanda “laban sa agresyon.”
Tuluy-tuloy na pinalalakas ng US ang kontrol at dominasyon nito sa Pilipinas. Sunud-sunod at sapin-sapin ang ehersisyong militar hindi na lamang sa hilagang Luzon, kundi hanggang sa Visayas at Mindanao. Isinasagawa ngayon ng AFP, sa tulak ng US, ang tinaguriang “territorial defense exercises” na mga ehersisyong militar sa iba’t ibang isla, para tabingan ang pag-eensayo ng maniobra ng mga tropang Amerikano sa buong bansa. Sinisimulan ng US na itayo ang imbakan ng langis (fuel depot) sa Davao Gulf, at mga pasilidad sa Cebu at Cagayan de Oro para sa pagkukumpuni o daungan ng mga barkong nabal nito.
Sa tabing ng Salaknib Exercises, Kasangga at mga katulad nito, nanghihimasok ang militar ng US sa mga operasyong kontra-gerilya sa bansa, sa anyo ng pagsasanay, pagpopondo at pag-aarmas sa AFP sa gera laban sa Bagong Hukbong Bayan. Sa Camarines Sur, nakita ang mga tropang Amerikano at Australian na kasama sa mga operasyon ng AFP laban sa masang magsasaka sa mga baryo.
Puspusan itinutulak ng US ang pagtatayo sa Central Luzon ng 1,200-ektaryang “economic security zone” sa balangkas ng Pax Silica. Bahagi ito ng pakana ng US na agawin ang eksklusibong kontrol sa mga pangunahing pinagkukunan ng mga krusyal na mineral para sa produksyon ng teknolohiyang kailangan para sa kanyang mga sandatang pandigma.
Sa harap ng nagpapatuloy na agresyong militar at pang-ekonomya ng imperyalismong US, dapat tuluy-tuloy na palakasin at palawakin ang pagkakaisa ng sambayanang Pilipino, para igiit ang kasarinlan ng bansa at tutulan ang pagkakaladkad sa Pilipinas sa mga gerang sinisindihan ng US. Dapat batikusin at labanan ang papet na rehimeng Marcos, higit lalo ang mga upisyal nito sa militar at depensa na mga ahente ng imperyalismong US at numero unong taksil sa bayan. Bulag silang tagasunod sa mga dikta ng among Amerikano at kasabwat sa pamamayagpag ng mga pwersang militar ng US sa Pilipinas, sa kapinsalaan ng kabuhayan at kaligtasan ng mamamayan, at kalayaan ng bansa.
Patuloy na palakasin ang mga pakikibakang masa laban sa lumalaking presensyang militar ng US sa Pilipinas. Palakasin ang kilusang edukasyon, propaganda at pangkultura para mulatin ang mamamayang Pilipino, na patuloy na binubulag sa katotohanan ng paghahari at pang-aapi ng imperyalismong US sa bansa. Palawakin ang mga pagkilos ng mamamayan laban sa mga base at pasilidad militar ng US, mga tagibang na kasunduang militar, mga pag-eensayong gera, presensya ng mga tropang Amerikano, at nakaimbak na mga kagamitang militar ng US sa bansa.
Dapat palakasin ang rekrutment sa Bagong Hukbong Bayan bilang pangunahing sandata ng sambayanang Pilipino sa paglaban sa pang-aapi ng imperyalismong US sa bansa. Katulad ng ipinakita sa kasaysayan, ang tunay na pambansang kalayaan ay makakamit sa landas ng armadong rebolusyon. Habang hindi tunay na nakaaalpas ang Pilipinas sa dagit ng imperyalistang US, magpapatuloy ang sambayanang Pilipino sa sandatahang paghihimagsik para kamtin ang hinahangad na paglaya ng bansa.