Pagbawi ng nakaw na yaman, nalubos na ng pamilyang Marcos
Ibinasura ng Sandiganbayan Special Division noong Hunyo 2 ang Civil Case 0141, ang natitirang kaso laban sa nakaw na yaman ng pamilyang Marcos, dahil sa matinding pagkaantala ng paghahain ng ebidensya ng prosekusyon. Inihain ang kaso noong Disyembre 17, 1991 at mahigit 30 taon nang nakabimbin. Kinasasangkutan ito ng ₱50 bilyong nakaw na yaman ng mga Marcos. Nagpasya ang hukuman matapos ihayag ng Presidential Commission on Good Governance (PCGG) na wala na itong ihahaing karagdagang ebidensya.
Itinatag ang PCGG noong Pebrero 1986 matapos mapatalsik si Ferdinand Marcos Sr. Bilang unang kautusan at komisyon na itinatag ng gubyerno ni Corazon Aquino, deklaradong layunin ng ahensya na bawiin ang lahat ng nakaw na yaman ng pamilyang Marcos at ng mga kroni nito na tinatayang nasa humigit-kumulang ₱589 bilyon ($10 bilyon).
Sa loob ng apat na dekada, humigit-kumulang ₱280 bilyon lamang ang nabawi ng ahensya sa anyo ng pera at ari-arian, kabilang ang $658 milyon sa Swiss deposits, $3.37 milyon na itinago sa New York, mga alahas ni Imelda Marcos, kita mula sa bentahan ng mga pinta na nagkakahalaga ng $17 milyon, at 57.68 ektaryang lupa sa Palawan na idineklarang nakaw na yaman noong 2024.
Gayunman, maraming kaso ang hindi na hinabol ng PCGG, habang ang iba ay ibinasura ng korte dahil sa kakulangan ng ebidensya o pagtigil ng ahensya sa paghahanap ng ebidensya at paghahain ng mga kinakailangang aksyon.
Muling pagbawi sa mga ninakaw na yaman
Sa loob ng halos apat na dekada, sadyang hindi pinursige ng mga nagdaang rehimen na bawiin ang nakaw na yaman ng mga Marcos. Noong 1992, nakipag-areglo sina Ferdinand Marcos Jr at Imelda Marcos sa administrasyong Ramos upang hatiin ang kanilang yaman at iligtas ito sa kumpiskasyon—isang hakbang na idineklarang “mapaminsala” ng korte. Dahil dito, pinatawan sila ng contempt at multang $353 milyon, na tinatayang umabot na sa $18 bilyon dulot ng pagbalewala ng mag-ina sa hatol.
Natalo din ang pamilya Marcos sa ilang kaso mula 2013 hanggang 2021, kabilang ang paghatol kay Imelda Marcos noong 2018 na nagkasala sa pitong bilang ng graft. Sinintensyahan si Imelda Marcos ng 42-77 taong pagkakabilanggo, bagay na hindi ipinatupad mula noon.
Sa pagbabalik ng pamilya sa pulitika, isinulong nila ang rehabilitasyon ng kanilang imahe at unti-unting pagbawi ng kanilang yaman. Sa ilalim ng pagkapangulo ni Marcos Jr, lalong bumilis ang pagbasura sa mga kaso laban sa kanila. Umabot sa 28 kasong kriminal at 43 kasong sibil ang isinampa sa kanila noong 1986–1995. Mula nang maupo si Ferdinand Marcos Jr sa poder noong 2022, hindi bababa sa siyam na kaso na ang ibinasura ng Sandiganbayan, na imbwelto ang nasa ₱400 bilyong yaman.
Hindi nakalilimot ang sambayanan
Kinundena ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA) ang pagbasura ng Sandiganbayan sa kaso ng pagkakumpiska sa ₱50 bilyong nakaw na yaman ng pamilyang Marcos. Anito, natupad ni Marcos Jr ang layunin niyang maibalik ang mga ari-arian ng kanyang pamilya na kinumpiska ng estado, habang patuloy na nakikinabang sa kasalukuyang korapsyon.
Nakiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa mamamayang Pilipino sa pagtuligsa sa desisyon ng Sandiganbayan. Anito, ang desisyon ay bahagi ng nauna nang serye ng mga desisyon ng mga korte na pabor sa mga Marcos.
Ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng PKP, ang mga nakaraang desisyon ng Sandiganbayan at Korte Suprema ay patunay kung papaanong ginagamit ng mga Marcos ang pampulitikang kapangyarihan para magkamal ng napakalalaking halaga ng yaman mula sa pera ng mamamayan. Aniya, ang mga hakbang na ito ay nagbibigay daan sa higit pang pribilehiyo at korapsyon, na lalong nagpapagalit sa mamamayang hindi nakakalimot sa bilyun-bilyong nakaw na yaman at libu-libong biktima ng pang-aabuso ng diktadura.