EPIRA: 25 taong pagpapahirap sa masang Pilipino
Nagmartsa sa Mendiola ang mga progresibong grupo noong Hunyo 8 upang kundenahin ang 25 taong pagpapahirap ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) sa milyun-milyong Pilipino. Sa ilalim ng batas na ito, naging ikatlo ang Pilipinas sa may pinakamahal na kuryente sa buong Asya.
Ipinasa ang EPIRA noong Hunyo 8, 2001 sa harap ng noo’y mataas na presyo ng kuryente, at hindi matatag na suplay. Sinasabing layunin nitong pababain ang presyo sa pamamagitan ng kompetisyon, paghihiwalay ng generation, transmission, distribution, at supply, at pagresolba sa malaking utang ng National Power Corporation (NAPOCOR).
Itinatag ang NAPOCOR bilang korporasyong panggubyerno noong 1936 upang magtayo at magpatakbo ng mga pasilidad ng kuryente, lalo na sa mga liblib na lugar. Pagsapit ng Disyembre 2000, umabot sa ₱900 bilyon ang utang nito, dahil pumasok ito sa mga kasunduang pabor sa mga pribadong kumpanya (tinawag na mga independent power producers) noong panahon ng rehimeng Ramos. Sa ilalim ng mga kontratang ito, obligado ang NAPOCOR na bayaran ang 70–100% ng kuryente kahit 20–40% lamang ang aktwal na nagagamit. Dagdag pa rito, sinagot nito ang gastos sa langis at paggalaw ng palitan ng piso at dolyar, na lalo pang nagpalala sa pagkalugi.
Noong 2002, napilitang rebisahin ni Gloria Macapagal-Arroyo ang mga kontratang ito dahil sa malawakang protesta. Dagdag dito, dahil sa malaking utang at presyur mula sa Asian Development Bank, World Bank, at Japan Bank for International Cooperation, tuluyang naisabatas ang EPIRA.
Sa ilalim ng batas, pinahintulutan ang malalaking kumpanya na magmay-ari ng mga kumpanyang para sa produksyon at distribusyon ng kuryente. Karamihan sa mga plantang nagpoprodyus ng kuryente ay hawak ng malalaking burgesyang kumprador tulad nina Ramon Ang, Enrique Razon, Manny Pangilinan, mga Aboitiz, Ayala at Lopez. Nangunguna ang San Miguel Corporation na may 22.4% ng national grid, kasunod ang Aboitiz na may 21.75 porsyento.
Habang kumikita ang mga pribadong kumpanya, nananatiling mataas ang utang ng NAPOCOR, na nasa ₱262 bilyon noong Hunyo 2025. Pamahal din nang pamahal ang singil sa gitna ng hindi istableng suplay ng kuryente sa bansa.
Patung-patong na singil
Sa ilalim ng EPIRA, itinayo ang tinawag na Wholesale Electricty Spot Market (WESM), kung saan bumibili ang mga distribyutor ng kuryente. Pinapayagan ang mga distribyutor, tulad ng Meralco, na ipasa sa mga konsyumer ang kanilang gastos. Kabilang dito ang system loss charge o singil para sa kuryenteng nawawala dulot ng luma at sirang imprastruktura, pagnanakaw, at mga pagkukulang sa pamamahala. Sa ganitong sistema, nagbabayad ang mga konsyumer para sa kuryenteng hindi nila nagamit.
Dagdag pasanin ng mga konsyumer ang 12% Value-Added Tax (VAT) na ipinapataw hindi lamang isang beses, kundi hiwa-hiwalay sa bawat bahagi ng singil—produksyon, transmisyon, distribusyon, pagmemetro, suplay, at maging sa system loss charge.
Pinatibay rin ng EPIRA ang cross-subsidy scheme kung saan ang mga konsyumer, sa halip na ang gubyerno, ang sumasagot sa subsidiyo para sa mahihirap at iba pang dapat sinasagot ng estado tulad ng diskwento sa senior citizen, pagbabayad ng utang ng NAPOCOR at iba pa. Ang mga ito ay ipinapasa bilang “pass-through charges” o mga bayaring kinukolekta ng mga kumpanya sa distribusyon tulad ng Meralco para sa iba’t ibang ahensya at power suppliers.
Paglaban para sa makamasang serbisyo
Kailangang patuloy na ilantad at ibasura ang EPIRA, na walang hatid kundi pagdurusa at pinsala sa mamamayan at sa ekonomya sa nakaraang 25 taon. Hangga’t hawak ng malalaking kumpanya ng burgesya ang estratehikong industriyang ito, walang magbabago sa nararanasang mahal at palpak na serbisyo sa kuryente. Ang laban para ibasura ang EPIRA ay bahagi ng mas malawak na paglaban sa pribatisasyon, deregulasyon, at liberalisasyon na ipinataw ng International Monetary Fund at World Bank ilang dekada na ang nakararaan.
Tanging sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan at pagtatag ng diktadura ng proletaryado, tunay na maitatayo ang industriya ng kuryente na magsisilbi sa mamamayan. Sa bagong demokratikong gubyerno, isusulong ang pambansang industriyalisasyon, kung saan lahat ng serbisyong panlipunan kabilang ang kuryente ay magiging para sa kapakinabangan ng mamamayan. Tatanggalin ang monopolyo ng mga burukratang kapitalista, mga burgesyang komprador at dayuhang kapitalista sa mga industriya at ipaiilalim ang mga ito sa pamamahala ng gubyerno ng mamamayan.