Deklarasyong SIPS sa Calabarzon, hungkag

,

Kinutya ng rebolusyonaryong kilusan sa Southern Tagalog ang deklarasyong Stable Internal Peace and Security (SIPS) ng rehimeng Marcos at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa rehiyong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) noong Hunyo 12. Deklarasyon ng AFP na “payapa” at wala nang impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon.

Ayon kay Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southern Tagalog (Melito Glor Command), nangangarap nang gising ang rehimeng US-Marcos sa deklarasyong ito. “Habang nagpapanggap na wala nang rebolusyonaryong pwersa sa Calabarzon, todo at walang puknat naman ang mga operasyong militar sa iba’t ibang bahagi nito,” aniya. Patuloy umano ang panghahalihaw ng mga pwersa ng Southern Luzon Command ng AFP at 2nd ID sa mga kabundukan at kanayunan.

Dagdag ni del Mundo, ang “kapayapaan” na nais ng SIPS ay para sa mga imperyalista, malalaking negosyo at korporasyon. Higit silang binibigyang laya ng rehimen na dambungin ang likas na yaman, palayasin ang mga magsasaka, baratin ang sahod ng mga manggagawang-bukid at pagkaitan ng serbisyong panlipunan ang mamamayan.

Bahagi rin umano ang dekla- rasyon ng paghahandog sa imperyalismong US ng katapatan at garantiya na malaya nang gamitin ang rehiyon sa gerang agresyon at iba pang pang-ekonomyang interes nito. Magiging “malaya” nang ipwesto ng mga imperyalista ang kanilang tropa saan mang sulok nang rehiyon dahil “wala” na ang mga “balakid.”

May bigat ito laluna at ang Calabarzon ay isa sa mga pinaglunsaran ng Balikatan Exercises at kabahagi ng Luzon Economic Corridor na magsisilbi sa nilulutong imperyalistang gera laban sa China. Nagbabalak pa itong magtayo ng paliparan sa Sangley Point, Cavite, na may pangmilitar at komersyal na gamit.

Kung kaya naman, ayon kay del Mundo, habang umiigting ang pang-aapi at pagsasamantala ay magpapatuloy ang paglaban ng mamamayan at mananatili silang nakasalig sa rebolusyonaryong kilusan, na nakikita nilang tanging kakampi sa harap nito. “Hindi kailanman nawala ang hukbong bayan sa Southern Tagalog. Nakahanda ang mga yunit ng BHB sa ilalim ng Melito Glor Command na magpunyagi sa armadong rebolusyon at dalhin ito hanggang tagumpay,” aniya.

Bilang patunay ng patuloy na pagpupunyagi ng rebolusyonaryong kilusan sa Calabarzon, naglabas ng kani-kanyang pahayag ang mga yunit ng BHB mula sa Batangas, Rizal at Quezon, at ang National Democratic Front sa Cavite at Laguna. Idineklara nila ang kapasyahang magpupunyagi at susulong laluna sa diwa ng kilusang pagwawasto.

Deklarasyong SIPS sa Calabarzon, hungkag