Mga paglabag sa karapatang-tao ng AFP, walang pakundangan
Sa nagdaang mga linggo, naitala ang mga paglabag sa karapatang-tao laban sa mga magsasaka, mangingisda at kabataang estudyante ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines at ng lokal na gubyerno.
Demolisyon. Kinundena ng Pamalakaya-Cavite ang iligal na paggiba ng demolition team ng lokal na gubyerno ng Bacoor City sa mga bahay ng mga mangingisda sa Barangay Talaba 2 noong Hunyo 15. Walang dalang dokumento ang mga tauhan, kundi “berbal na kautusan” lamang. Batay sa dayalogo ng grupo kay Meyor Strike Revilla noong Mayo, dapat hanggang Hulyo pa mananatili ang mga mangingisda, at mabibigyan ang pangunahing apektado ng fisherman’s dorm o tirahan.
Noong Hunyo 1, sapilitang pinalayas at winasak ng mga tauhan ng Pieceland Corporation ang nasa 14 na natitirang bahay ng mga katutubong Mangyan-Iraya sa Sitio Malatabako, Barangay San Vicente,, Abra de Ilog, Occidental Mindoro. Naganap ang insidente matapos magdesisyon ang Abra de Ilog Municipal Trial Court noong Abril 8 na maysala sa kasong “other forms of trespass” (panghihimasok) ang siyam na katutubong Mangyan-Iraya.
Pagdukot at tortyur. Sapilitang dinukot ng mga nakasibilyang ahente ng 5th ID si Angel Lopez, konsehal ng UP Dilman University Student Council at boluntir ng Youth Advocates for Climate Action Philippines noong Hunyo 13 habang nagsasagawa ng kampanya sa impormasyon at edukasyon sa Barangay Kakiduguen, Kasibu, Nueva Vizcaya. Sa kustodiya ng militar, ipinailalim siya sa sikolohikal at emosyonal na tortyur. Nasa lugar siya upang tumulong sa kampanya para sa mga komunidad na maaapektuhan ng operasyon ng North Luzon Mineral Resources Corporation. Nakakampo ang 86th IB sa barangay hall ng Kakiduguen na naglalayong pigilan ang paglaban ng mga residente sa pagmimina sa kanilang komunidad.
Militarisasyon. Mula Hunyo 7 hanggang sa kasalukuyan, nakapailalim sa militarisasyon ng 62nd IB ang mga komunidad sa Central Negros. Noong Hunyo 8, iligal na hinalughog ng militar ang mga kabahayan sa mga sityo ng Punong, Nabakalan, Anahaw, Tribu, Laos, at Agpapataw na matatagpuan sa hangganan ng mga barangay ng Trinidad, Sandayao, at Binobohan sa Guihulngan City, Negros Oriental. Samantala, nagkampo naman ang ilang sundalo sa Agogolo Elemenrary School sa Barangay Macagahay, Moises Padilla, Negros Occidental na nagdulot ng takot at perwisyo sa mga guro at estudyante. Lubha ring apektado nito ang kabuhayan ng mga residente.