Kolektibong pagsasaka, tugon ng masa at hukbo sa krisis at gutom

,

Panahon na naman ng tag-ulan kaya abala ang pamilya ni Marilyn, isang magsasaka sa isang larangang gerilya sa Eastern Visayas, sa pagtatanim ng upland rice. Sa nakaraan, tanging ang pamilya niya ang bumabalikat sa mabibigat na gawain ng paghahanda ng lupa hanggang pagtatanim ng bigas para may makain. Pero ngayong taon, isang buong yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang magiging katuwang nila.

Nangangailangan ng mahabang panahon at mabusisi ang produksyon ng upland rice. Bago pa makapagtanim ng binhi, kailangang simulan ang pagkakaingin sa mga buwan ng Marso o Abril. Sa kagubatan, ilang beses kailangang magputol ng puno bago ito sunugin. Kailangang hawanin ang parsela ng lupa ng mga damong tumubo bago maisagawa ang aktwal na pagtatanim. Limang buwan ang siklo ng pagtatanim, kaya Setyembre o Oktubre pa makapag-aani ang pamilya ni Marilyn. Dahil nakaasa sa ulan, dalawang beses lamang sa isang taon ang siklo ng taniman.

Kung may sarili sanang sakahan sina Marilyn, hindi na nila ito kailangang gawin. Ngunit dahil monopolisado ng lokal na panginoong maylupa ang mga sakahan, natataboy ang mga tulad nila sa mga prontera kung saan obligadong magkaingin para magkaroon ng lupang matatamnan. Kung makikisaka naman sila sa panginoong maylupa, lugi sila sa laki ng gastos sa produksyon.

“Pahirap talaga ang pyudalismo dahil atrasado ang produksyon. Paisa-isa at manu-manong inaani ang palay at napakabagal nito,” paliwanag ni Ka Lean, isa sa mga Pulang mandirigmang lumahok sa pagtatanim. Samantala, kumikita ang panginoong maylupa, may ani man o wala.

Sa buong prosesong ito, pinakamahusay ang kooperasyon sa pagsasaka. Sa rehiyon, tinatawag itong araglayon o tiklos. Layunin nitong pabilisin ang mabusising proseso ng produksyon ng bigas.

Ngayong panahon ng habagat, plano ng yunit ni Ka Lean na tumulong sa produksyon ng anim na pamilya ng mga maralitang magsasaka para ipakita ang husay ng kolektibong pagtatrabaho. Makatutulong din ito para mahikayat silang magtayo ng asosasyon na mangangasiwa sa iba’t ibang anyo ng tulungan at hatian sa pagtatrabaho at ani.

“Hindi naman sa lahat ng panahon naandito ang hukbo. Kailangan din naming madeploy sa ibang erya. Ang samahan ang magtitiyak na magpapatuloy ang kanilang tulungan,” paliwanag ni Ka Lean.

Ngunit may mas mahalagang layunin ang pagtatayo ng asosasyon, pagdidiin niya. Kailangang harap-harapang hamunin ng masang magsasaka ang kapangyarihan ng panginoong maylupa sa pamamagitan ng pakikibakang anti-pyudal. Dito nila naigigiit ang pagpapababa sa upa sa lupa, pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang-bukid, pagpapatanggal sa usura, pagpapataas ng presyo ng produktong agrikultura, at iba pa. Sa gayon, nagkakaroon sila ng mahahalagang karanasan at kasanayan sa pagharap sa kaaway sa uri, sa paggigiit sa kanilang karapatan, paglalantad sa kaaway, at paggiit ng kanilang mga hinaing.

Kasabay nito, marapat lumahok ang masang magsasaka sa armadong pakikibaka, na siyang pangunahing porma ng demokratikong rebolusyong bayan. Sa pamamagitan lamang nito mapagtatanggol ng hukbo at masa ang mga tagumpay ng pakikibakang antipyudal. Higit sa lahat, malalansag lamang ang monopolyo sa lupa at kapangyarihan sa kanayunan ng panginoong maylupa kung lalabanan ito ng masang armado.

Bilang mersenaryong hukbo ng naghaharing uri, ang pasistang pwersang militar at pulis ng reaksyunaryong estado ay labis na mapaniil sa mga samahang magsasaka. Katunayan, sa baryo nila Marilyn, talagang bumagsak ang produksyon dahil sa militarisasyon. Mas nalimitahan ang oras ng pagtatrabaho sa sakahan ng mga magsasaka at natatakot din silang tumungo rito tuwing may operasyon. Dagdag na pahirap ito sa kanila sa gitna ng krisis sa langis, habang ang mga pasista sa baryo ay nagpapasarap lang, nagsusugal at nag-iinuman pero sumusweldo nang malaki.

“Sweldado sila ng mamamayan pero nananakot at pahirap lamang sila sa amin,” sabi ni Marilyn. “Ang BHB, sila ang tumutulong sa amin na paunlarin ang aming produksyon.”

Lubos ang saya ng kanyang pamilya na makatuwang ang hukbong bayan sa pagpapasigla ng produksyon at pagpapatatag ng samahan ng mga magsasaka sa kanilang baryo.
__
Hango sa Larab, Hunyo 2026.

Kolektibong pagsasaka, tugon ng masa at hukbo sa krisis at gutom