7-kataong yunit ng 62nd IB, inambus ng BHB-Central Negros
Pinaputukan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros (Leonardo Panaligan Command) ang 7-kataong tim ng 62nd IB sa Sityo Balingos, Barangay Hinakpan, Guihulngan City, Negros Oriental noong Hulyo 1 ng hapon. Isang sundalo ang napatay, habang tatlo ang nasugatan. Limang metro ang layo ng mga Pulang mandirigma sa pasistang pwersa nang kanila itong pinaputukan.
Ang tropa ng 62nd IB na pinatamaan ng BHB ay nagsisilbing blocking force ng ilampu pang tropa na naglulunsad ng kampanyang pagkubkob at paglipol sa yunit ng BHB. Nagmamaniobra palabas ng pag-ensirkulo ang yunit ng BHB nang napansin nila ang maliit na yunit ng militar.
“Upang pagtakpan ng militar ang kanilang kahihiyan, sadyang itinago nila sa publiko ang kanilang kaswalti sa nangyaring labanan,” ayon kay Regalado. Ayon sa yunit, malaking sampal sa militar ang pag-atake ng BHB lalo at malawak ang saklaw ng focused and sustained military operations sa Central Negros.
Samantala, ipinatupad ng Special Partisan Unit (SPARU) ng BHB-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) ang kaparusahang kamatayan laban sa ahenteng militar na si Jerome Ceballos, 59 taong gulang, sa Sityo Singko, Barangay Gawahaon, Victorias City, Negros Occidental noong Hulyo 10. Nakumpiska sa kanya ang isang .45 na baril.
Ang aksyong pamarusa ay alinsunod sa atas ng lokal na rebolusyonaryong hukumang bayan matapos mapatunayang maysala si Ceballos sa patung-patong na mga krimen laban sa rebolusyon at sa masang Negrosanon. Sa imbestigasyon ng rebolusyonaryong hukuman, napatunayang espiya siya ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP). Inatasan siya ng militar na makipag-ugnayan sa rebolusyonaryong kilusan, magkunwaring alyado, at magmanman sa mga kilos ng BHB sa erya.
Kabilang sa kanyang mga krimen sa ang nangyaring masaker sa Negros 19 noong Abril 19 sa Barangay Salamanca, Toboso. Pinatay ng 79th IB sa masaker ang 10 Pulang mandirigma ng BHB-Northern Negros at siyam na hindi armadong indibidwal. Responsable rin si Ceballos sa pagdukot, pagtortyur at pagpatay ng militar at pulis kina Nonoy Ponteras (Ka Jojo), upisyal ng National Democratic Front-Negros, at istap na si Marisa Pobresa (Ka Kim) noong Marso 2025.